Kooperatiba nagagamit sa rice smuggling

NATUMBOK din sa wakas ang isa sa mga pinagdadaluyan ng smuggling ng bigas sa bansa. Sana, hindi lang hihinahon ang isyu tungkol dito kundi tuluyang matutuldukan.

Naalala ba ninyo ang Farmers as Importers na isang programang sinimulan noong administrasyong Arroyo? Namayagpag ito noon at patuloy pa ring namamayagpag ngayon.

Marami sa mga kooperatiba ng mga magsasaka ang pumasok sa ganitong programa, na siyang ginagamit ng mga smugglers na tulad ng isang David Tan o alias David Tan, na ang sabi ng marami na, ay si Davidson Bangayan.

Saka na natin tumbukin pa yung isyu sa tunay na identity nitong si Tan. Dito na muna tayo sa kung paano ang manipulasyon na ang ginagamit na pamamaraan din ay ang mismong proyektong ikinasa ng pamahalaan.

Tinanong ko sa aming programa ni Jake Maderazo na Banner Story sa Inquirer Radio 990khz si Agriculture Secretary Proceso Alacala, “Totoo po ba na ang ginagamit na front ni David Tan sa kanyang smuggling activities ay ang mga farmer cooperatives sa pamamagitan ng farmers as importers program na umiiral pa rin?”

Ang sagot ni Alcala na medyo high pitch pa nga, “Tama po! Tama po kayo! Nagagamit nga sila!”

Ganon naman pala, alam kung ano ang ginagamit na paraan ng smuggling, na kaya nga kung paper trail sa mismong legal o otorisadong importasyon lang, wala ka talagang makikitang pangalang David Tan.

Waley as in waley! Pero siya ang financier ng mga lehitimong kooperatiba ng mga magsasaka na binigyan ng pamahalaan ng pagkakataon na makapag-import ng bigas sa ibang bansa.

Kainis ano?

Magsasaka ka, tapos nag-i-import ka ng bigas na dapat ay produkto mo kung ang larangan at ang hanay mo ay tunay na pinagyayaman ng pamahalaan.

Back to the link, ano ba nga ang link? Simple: kahit gaano pa kalaki ang kooperatiba ng mga magsasaka na pumapasok sa importasyon, hindi ito sapat sa halagang kailangan sa aktuwal na halaga ng importasyon.

Doon na papasok ang malalim ma bulsa ng isang tulad ng David Tan. May otorisadong volume ng importasyon ang mga farmers cooperative ngunit ito ay sinasabayan ng sobra-sobrang pagpasok ng bilang ng bigas na siyang lalabas ng smuggled na bigas na naka-angkas sa isang otorisadong pamamaraan ng importasyon ng bigas.

Yang pamamaraang yan—isang sistema pa lang yan na pinaguusapan natin ha.

Hindi pa yan ang kabuuan. May iba pang style.

Basta smuggling, hindi mawawalan ng paraan.

Isa pang tanong para kay Sec. Alcala, “ano ngayon ang ginawa na nila nang makitang ang ilang kooperatiba ng magsasaka na pumasok sa importasyon ang nagagamit ng tulad ng isang David Tan?”

Ang sagot ng kalihim, “Maghihigpit na sila. Hindi na bibigyan ng permiso sa importasyon ang mga kooperatibang mapapatunayang nagamit na ni David Tan bilang kanyang front sa smuggling.”

Kasunod na tanong, maaari ba niyang ilabas ang mga pagkakakilanlan ng mga kooperatibang ito?“

Ang sagot, “Inaayos pa, ang listahan,” ang saklap lang wala pa raw sa kanya ang listahan.

Ako na ang mangungulit sa listahang yan, upang unti-unti nang mabuo ang tunay na larawan kung paano ba talaga patuloy na namamayagpag ang rice smuggling sa bansa.

Read more...