Delayed telecast

KAILANGAN magwawakas ang delayed telecast ng mga laban ni Manny Pacquiao?  Kailan matatapos ang matagal na paghihintay ng taumbayan sa free TV?

Malapit na.  Sa maraming bahagi ng Metro Manila, tulad ng Makati, Maynila, Caloocan, Parañaque at Quezon City, di na nila hinintay para panoorin ang delayed telecast ng laban sa free TV.

Kanya-kanyang pasikatan ang nakaluklok na mga politiko at paramihan pa ng “wide screen, live telecast” sa mga covered courts, coliseum, basketball courts na binubungan ng trapal, tapat ng mga botika, multi-purpose halls at maging health center.

Buong barangay, pati ang kalapit na mga barangay ay puwedeng magsiksikan sa mga lugar na ito para mapanood nang di nababalam ang boksing, na matagal ding hinintay, pinag-aralan kung sino ang mananalo’t matatalo.

Tuluy-tuloy na sapakan.  Walang patid na ligaya.  Di naiistorbo ng commercial; di binibitin ng komentaryo ng mga politiko.  Higit sa lahat, di pinagkakakitaan para lamang ibitin ang pananabik ng taumbayan.

Sa isang banda ay nakabuti rin ang pasikatan ng mga politiko at nagbayad ng live telecast.  Ang pagsisiksikan ng taumbayan, ang iba’y alas-8 ng umaga’y nakapila na o nakatambay na sa labas, sa mga covered courts, coliseum (na sabungan kapag walang boksing), basketball courts, tapat ng botika, multi-purpose halls at health center ay palatandaan na ayaw na nilang maghintay sa delayed telecast.

Ayaw na rin nilang maimpatso ng mga commercial ng pagkain, malasing ng sari-saring alak at ma-overdose ng kung anu-anong mga gamot habang inaatado at unti-unting ipinalalabas ang natapos na laban.

Kung ikaw’y nasa Quiapo, Maynila, pagkatapos ng live telecast at gusto mong balikan ang laban, puwedeng di na rin hintayin ang live telecast dahil may nag-aalok at sumisigaw na ng “DVD! DVD!”  Bukod sa malinaw, mura pa.

Kung may P500 ka, puwede nang manood sa mga mall at restaurant.  Malamig na, may pagkain pa.  Walang siksikan at di mainit.  Walang amoy at malinis pa.

Sa mga walang panahong manood ng live telecast dahil meron silang trabahong di maiwanan, text lang mula sa kaibigan ay malalaman na kung sino ang lamang sa bawat round at kung sino ang mananalo.  Kung sino ang talo.

Pero, kailangan ang delayed telecast.  Negosyo yan.  Milyones, o bilyones, na negosyo yan.  Kailangang kumita ang network.  Kapag kumita ang network, kikita rin ang gobyerno.

Pero, kapag laos na ang delayed telecast, paano kikita ang ibig kumita?

Read more...