Nagluluwag sa baril

SA pagpapatupad ng Republic Act 10591, o ang comprehensive law on firearms and ammunition, ng National Police, puwede nang magdala ng baril sa labas ng kanilang bahay ang mga mamamahayag, teller ng banko, pari, kahera, lisensiyadong mga nurse, doktor, accountants, enhinyero at abogado nang hindi nagsusumite ng testament na sila’y “under actual threat.”

Ang lisensiyadong baril ay puwedeng dalhin habang sila’y “on duty.”   Hindi na raw kailangan pang magsumite ang mga propesyonal na ito ng “threat assessment certificate dahil ang bagong batas ay kinikilala na sila bilang nasa “imminent danger due to the nature of their profession or business.”

Pagkatapos ipasa ang batas noong 2013, sisimulan ng PNP Firearms and Explosives Office ang pagpapatupad ngayong buwan ng Implementing Rules and Regulation ng RA 10591 pagkatapos ilabas ito noong Enero 3.

Sa ilalim ng IRR, iiral ang anim na buwan gun amnesty para bigyan ng pagkakataon ang mga may baril na hindi na-renew ang pasong lisensiya o rehistro na irehistro ang armas; at bigyang pagkakataon na irehistro ang di lisensiyang baril nang walang ipinapataw na mabibigat na parusa o multa.

At dahil sa malawak na rin ang paggamit ng Internet, nagbukas ng online units at servers ang FEO para magamit sa amnesty.  Ang RA 10951, na binansagang “Marcosian” gun law,  ay nagpapataw ng 30 taon pagkakabilanggo para sa kasong illegal possession of firearms.

Sa binagong sistema ng paglilisensiya ng baril, ipatutupad ng FEO ang pagsusumite ng mga aplikante ng “updated neurological examination” at drug test.

Sa simula ng panunungkulan ng Ikalawang Aquino, na shooter din daw, at may nagyayabang na Level 3 pa, ay hinigpitan na ang pagpapalabas ng permit to transport ng lehitimong mga gun club at pinadadaan pa ito sa Philippine Practical Shooting Association.

Dati’y ang lehitimong gun club lang ang nagpoproseso ng PTT at inaaprubahan agad ng Crame o tanggapan rehiyon ng PNP.  Ang PTT ay dating tumatagal ng tatlong buwan, hanggang sa gawin na lamang ito isang buwan sa mga armas na itinuturing at klasipikadong malalakas.

Naramdaman ng lehitimong mga gun owners ang labis at lumalalang paghihigpit ng gobyerno, pero hindi sila tuwirang nagreklamo.  Hindi umalma ang kabuuan, bagaman may ilang pumalag.

Sa isang gun show sa Metro Manila noong 2013, inihayag ng lehitimong gun owners ang kanilang reklamo sa labis at sunud-sunog na paghihigpit gayung wala pang isang porsiyento ng legal na nagmamay-ari ng baril ang nasasangkot sa di kanais-nais; gayung si Ronald Llamas ay hindi man lang nakasuhan sa kanyang naglalamyerdang AK-47.

May bumper sticker sa gun stores na nagsasabing, “You outlaw guns and only outlaws have guns.”  Ano ba ang pakay ng gobyernong Aquino para maghigpit sa legal at sumusunod sa batas ng mga nagmamay-ari ng baril?

Ang sila’y pasukahin pa ng pera at gawing gatasan?  Ang sila’y pahirapan habang malayang namamayagpag ang mga holdaper sa jeepney, taxi at bus araw-araw, gabi-gabi, lalo na sa Quezon City?

Ang sila’y sikilin pero hindi naman naghigpit sa malaya at hindi mapigilang pananalasa ng riding in tandem?  Iginigiit ng gobyerno ang gun control at higpitan pa ang gun control para mabawasan ang bilang ng krimen na kinasasangkutan ng mga armas.

Hindi tanga ang responsableng mga gun owners para maunawaan ito.  Sa tuwing naghihigpit sa baril ang gobyerno, siya namang dumarami ang patayan gamit ang baril.

Hindi nga naghigpit, at hindi nga ginalaw, ng gobyerno ang Moro National Liberation Front kaya’t nakapaglunsad ng pag-atake sa Zamboanga City, na binabaran pa ng shooter na pangulo, pero wala namang nangyari.

Sa Mindanao ay napakaraming gun club, at ang mga ito’y lehitimo dahil nakarehistro sila sa PNP FEO.  Dumami ang gun club sa Mindanao dahil dumami ang bilang ng bumili ng baril at ipinarehistro pa ito sa gobyerno.

Dumami ang pribadong mamamayan na nag-armas sa Mindanao dahil ayaw nila ng gulo at nais lang nila na may magagamit sila para ipagtanggol ang sarili at kanilang pamilya.

Alam ng mga bumili ng baril na kailanman ay hindi sila agarang maililigtas ng mga pulis, ng mga sundalo laban sa naglipana at dumaraming masasama.

Alam ng mga bumili ng baril na kapag nalaman ng mga magnanakaw na ang nakatira sa bahay na iyon ay may baril ay nagdadalawang isip ang masasama hinggil sa kanilang balak.

Kung gayon, bakit ang hihigpitan at pasusukahin pa ng pera ay ang lehitimong mga may-ari ng baril at hindi ang masasama; at pababayaan na lamang na mamayagpag ang masasama, ang kriminal?

Bakit hindi kayang sugpuin ng pulisya ang holdapan sa mga jeepney, taxi at bus, at maging sa mga tricycle na sa Quezon City, gayung napakahigpit nila sa legal na mga may-ari ng baril?

Sina Aquino at Ferdinand Marcos ba ay iisa?  Tinawag na Marcosian ang batas sa pagmamay-ari ng baril dahil ayaw ni Marcos na magkaroon ng de-bola o pistola ang bawat bahay dahil maaari na silang maglunsad ng rebolusyon at pabagsakin ang naging diktador.

Hindi kapani-paniwala na natatakot si Aquino sa rebolusyon dahil nasa kanyang mga kamay ang pera para sa Kongreso at militar.  Ang hindi kapani-paniwala ay payagan niyang magkaroon ng holdapan sa jeepney, bus, taxi at tricycle, gamit ng mga kriminal ang baril.

Hindi naman palaisipan pero may kutob ang responsible gun owners kung bakit tila nagluwag si Aquino sa mga dapat ay may armas habang nasa kalye.

Maaaring ito ay para hindi na magalit sa kanya ang mga botante sa 2016.  At maaari ring pagkakitaan ang mga propesyonal at mas lalong lumaki ang pera na nasa kanyang mga kamay.

Read more...