Alaska humirit ng Playoff sa Q’Finals

NAIBALIK ng Alaska Aces ang tikas ng paglalaro sa huling yugto upang manatiling palaban sa puwesto sa susunod na round sa 89-80 tagumpay sa Barako Bull sa PLDT myDSL Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Hindi na nakasama ng Aces si Calvin Abueva matapos ma-foul out kay Carlo Lastimosa na nagpasok ng dalawang free throws para bigyan ang Barako Bull ng 65-64 kalamangan.

Ngunit si JV Casio ay kumunekta ng isang tres at naghatid ng pitong puntos sa 13-2 palitan upang itulak ang Aces sa 77-67 kalamangan.

“We live to fight another day. We’re thankful for lessons learned (past losses) and the players dream of this kind of situation where you can turn things around,” pahayag ni Aces coach Luigi Trillo.

Tinapos ng Alaska ang elimination round bitbit ang 5-9 baraha para makatabla sa ikaanim hanggang ikasiyam na puwesto ang Barako Bull, Globalport at Meralco.

Pero dahil mas mataas ang quotient ng Energy at Batang Pier ay nakapasok na sila sa susunod na yugto at maiiwan ang Aces at Bolts na magtuos ngayon para sa huling puwesto na aabante sa liga.

Ang Barangay Ginebra, ang No. 1 seed kahit natalo pa sa Talk ‘N Text sa ikalawang laro kagabi, 103-79, ay makakaharap ng mananalo sa Alaska at Meralco bitbit pa ang twice-to-beat advantage.

Hindi naman iniisip ni Trillo ang kanilang sitwasyon kundi ang kung paano maipapanalo ang knockout game.

“We’re facing a team that is hungry. There are new guys there that wants to win. We need guys helping out and hopefully, we learn and continue to grow,” dagdag ni Trillo.

Si Casio ay tumapos taglay ang 24 puntos, pitong assists at limang rebounds habang si Gabby Espinas ay naghatid pa ng 21 puntos at siyam na boards para punuan ang di magandang inilaro nina Sonny Thoss at Abueva.

Si Thoss ay gumawa lamang ng anim na puntos at anim na rebounds habang si Abueva ay naghatid ng siyam na puntos.

Read more...