APATNAPU’T tatlo katao na ang nasawi, 93 ang sugatan, at apat pa ang nawawala dahil sa mga insidenteng dulot ng dating low pressure area (LPA) na ngayon ay tinawag na tropical depression “Agaton” sa Mindanao, ayon sa mga awtoridad kahapon.
Dalawampu’t isa ang nasawi sa Southern Mindanao, 18 sa Caraga, dalawa sa Northern Mindanao, at dalawa sa Zamboanga Peninsula, ayon sa impormasyon mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), regional civil defense offices, at pulisya.
Dumami ang nasawi sa Southern Mindanao dahil marami sa mga dating naiulat na nawawala ay natagpuang patay, sabi ni Marvin Samson, operations officer sa Office of Civil Defense-11, nang kapanayamin sa telepono.
Lahat ng nasawi sa rehiyo’y pawang mga biktima ng landslide at baha sa Davao Oriental at Compostela Valley, kung saan may apat pang nawawala, aniya.
Umabot naman sa 64 ang kabuuang bilang ng nasugatan sa naturang dalawang lalawigan at Davao del Norte, ani Samson. Idinagdag nito na 52 kalye at 21 tulay ang hindi pa rin madaanan habang 13 pagguho ng lupa at insidente ng flashfloods ang naiulat sa Mindanao.
Naapektuhan din ng masamang panahon ang 564 barangay sa 92 bayan at sa 15 probinsya sa Mindanao o humigit-kumulang 97,700 pamilya o 466,900 indibidwal, ayon sa ahensya.
Ayon pa sa NDRRMC, umabot na sa P256, 166,860.15 ang halaga ng ari-arian na nawasak ni “Agaton,” kabilang ang P101,043,750 sa mga imprastraktura at P155,123,110 sa agrikultura.
Blackout
Samantala, iniulat ng Philippine Information Agency (PIA) sa Caraga region na blackout sa Dinagat Islands dahil sa pananalasa ng bagyo. Sinuspinde na rin ang pagbibiyahe patungo at papunta ng Caraga.
“No aircraft is being allowed to fly out of or land at the Butuan City Airport effective Saturday morning,” ayon sa advisory ng RDMMC.
Dalawa sa mga naapektuhan ng advisory ay ang mga flight ng Philippine Airlines/PAL Express at Cebu Pacific. Maging ang pagbiyahe sa dagat ay ipinagbabawal ng RDMMC.
Kabilang sa mga stranded ang 22 pasahero na patungong Cebu City at Siargao sa Surigao City Port Terminal at 474 pasahero na patungong Leyte sa Lipata Port sa Surigao City.
5 na-rescue
Limang mangingisda mula sa Surigao del Sur ang na-rescue sa karagatang sakop ng Baganga, Davao Oriental, kahapon ng umaga, ayon kay Gov. Corazon Malanyaon.
Lumubog ang bangka ng mga mangingisda makaraang lamunin ng malalaking alon. Hindi naman sinabi sa ulat kung bakit pumalaot pa rin ang mga mangingisda gayung nagbabala na ang Pagasa.
Idinagdag ni Malanyaon na nailikas na ang mga residente sa tabing-dagat bilang paghahanda sa pagdating ng bagyo.