TWICE-TO-BEAT NAUWI NG RAIN OR SHINE

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Alaska Milk vs Barako Bull
5:15 p.m. Talk ‘N Text vs Barangay Ginebra

SINIGURO ng Rain or Shine Elasto Painters na hindi na magkakaroon ng playoff para sa No. 2 spot matapos paluhurin ang Air21 Express, 104-94, sa kanilang PLDT myDSL PBA Philippine Cup game kagabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Bunga ng panalo, tinapos ng Rain or Shine ang elimination round na may 11-3 record at nalagay sa No. 2 spot. At katulad ng No. 1 seed Barangay Ginebra San Miguel Kings, ang Elasto Painters ay nakubra ang twice-to-beat advantage sa kanilang makakatunggali sa quarterfinals.

Ang kumbinsidong pagwawagi ng Rain or Shine sa Air21 ay nagbalewala rin sa panalo ng Petron Blaze Boosters sa Meralco Bolts, 96-87, sa unang laro kahapon.

Ang Boosters, na umaasa sana na makapuwersa ng playoff para sa No. 2 spot kung natalo ang Elasto Painters sa Express, ay nagtapos sa ikatlong puwesto sa kartang 10-4 at makakatapat nila ang No. 6 seed squad.

Sina Raymund Almazan, Alex Nuyles at Jeric Teng ay gumawa ng tig-13 puntos para pangunahan ang Rain or Shine.
Samantala, pag-usad sa quarterfinals o tuluyang pagkalaglag ang nakataya para sa Alaska Milk sa laban nila ng Barako Bull mamayang alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa pagtatapos ng elimination round ngayon.

Sa ikalawang laro sa ganap na alas-5:15 ng hapon, karangalan naman ang ipaglalaban ng Barangay Ginebra at defending champion Talk ‘N Text.

Nanganganib na hindi makapasok sa quarterfinals ang Aces na natalo sa Globalport sa overtime, 91-88, noong Miyerkules para sa 4-9 record at ikasiyam na puwesto.

Sa ilalim ng tournament format, ang ikasiyam at ikasampung koponan matapos ang elims ay tuluyang malalaglag.
Ang Barako Bull ay may 5-8 record at naghahangad na makaulit sa Alaska Milk na tinalo nito, 97-93, noong Nobyembre 24.

Kung magagawa ito ng Energy ay makukumpleto nila ang quarterfinals cast. Kung makakabawi ang Alaska Milk ay magkakaroon ng playoff sa pagitan ng Aces at Energy para sa huling quarterfinals berth bukas.

Ang Alaska Milk, na nagkampeon sa Commissioner’s Cup noong nakaraang season, ay hindi gaanong nagbago ng lineup. Si coach Lugi Trillo ay patuloy na umaasa kina Cyrus Baguio, Joaquim Thoss, JVee Casio, Gabby Espinas at Calvin Abueva.
Ang Barako Bull ay pinamumunuan ni two-time Most Valuable Player Willie Miller at sinusuporahan siya nina Ronjay Buenafe, Rico Maierhofer, Mick Pennisi at Dorian Peña.

Nakamtam ng Barangay Ginebra ang No. 1 seeding matapos na tambakan ang Globalport, 108-92, noong Biyernes para sa 11-2 record. Ang Talk ‘N Text naman ay may three-game losing streak subalit nanatili sa ikaapat na puwesto sa kartang 7-6.

Read more...