Neri Naig tumakas sa showbiz press; nahiya sa maiinit na love scene nila ni Martin Escudero


BIGLA-BIGLANG hinila ng kanyang handler ang kontrobersiyal na aktres na si Neri Naig pagkatapos ng presscon ng bagong weekly teleserye ng TV5 na Obsession noong Biyernes ng gabi.

Wala kasing naglakas-loob na magtanong kay Neri during the question and answer portion ng presscon tungkol sa kanila ni Chito Miranda at sa makasaysayan nilang video scandal.

Kaya naman ang members ng press ay agad-agad pumunta sa may presidential table para makachikahan nang one-on-one ang dalaga.

Nakakaloka nga, dahil para kaming mga asong sumunud-sunod kay Neri para lang mainterbyu siya, pero ang ending – nganga!
In fairness naman sa mga taga-PR ng TV5, sinabihan nila ang mga kasama ni Neri Naig na gustong makausap ng press ang aktres, pero pagkatapos nga nitong chumika sandali at makipag-picture taking sa mga bossing ng network, bigla na lang hinila ng kanyang handler si Neri sabay-sabing naghihintay na raw ang Showbiz Police sa ibaba ng venue para sa isang exclusive interview.

Well, wala na rin kaming nagawa kaya hindi na namin natanong si Neri tungkol sa kanyang personal na buhay. Hindi namin alam kung talagang umiwas siya sa press para hindi na matanong tungkol sa kanila ni Chito, kaya agad-agad na  umalis.

Anyway, in fairness, kapuri-puri naman ang akting ni Neri sa unang episode ng seryeng Obsession na mapapanood na sa darating na Jan. 23, 8 p.m., na idinirek ni Jay Altarejos.

Isang babaeng dumaan sa matitinding pagsubok ang role ni Neri sa serye kaya baliw-baliwan na siya nang magdalaga, lalo na ang palaginang pag-iwan sa kanya ng mga lalaking nagugustuhan niya.

Dito naipakita ng aktres ang kanyang galing sa pag-arte dahil talagang nadala kami at ang ilan pang miyembro ng media sa mga eksena niya sa unang linggo ng soap.

Pero napansin namin, habang ipinalalabas nga sa media at sa mga artistang kasama sa serye ang first episode ng Obsession, iniwasan ni Neri na panoorin ang love scene nila ni Martin Escudero na tila nahihiya.

Hindi namin alam kung ano ang naglalaro sa isipan ng dalaga habang ipinalalabas ang maiinit na eksena nila ni Martin. Kayo na ang bahalang humusga.

Samantala, sa second episode pa ng teleserye lalabas ang karakter ni Bianca King matapos ngang palitan ni Marvin Agustin na gumaganap bilang surgeon ang mukha ni Neri Naig.

Nawasak kasi ang mukha ni Neri nang magtangka siyang magpakamatay matapos siyang iwan ng boyfriend niya na ginagampanan nga ni Martin.

Hindi na namin ikukuwento ang iba pang mga eksena sa programa para naman hindi ma-preempt ang inyong panonood.
Makakasamarin sa psycho-drama na ito sina Elizabeth Oropesa, Maureen Mauricio, Richard Quan at marami pang iba.

( Photo credit to Google )

Read more...