HUGAS-kamay itong si Chairman Cesar Villanueva ng Governance Commission for Government Owned or Controlled Corporations (GCG) hinggil sa report ng COA na P2.313 bilyon na mga allowances, bonus at iba pang benepisyo na unauthorized. Sa kanyang pagharap sa media nitong Biyernes, ang lakas pa ng loob niyang ipagtanggol ang pang-aabusong ginagawa ng mga opisyal ng mga GOCCs na kaliwa’t kanang pinakikikinabangan ang dugo’t pawis ng maliliit na mamamayan.
Gaya ng kanyang boss na si Pangulong Aquino, mahilig din itong manisi. Sinisi kasi ni Villanueva ang nakaraang administrasyon na siya umanong may kasalanan kung bakit patuloy pa ring tumatanggap ang mga GOCC officials ng mga malalaking bonus. Dinatnan na lamang anya nila ang ganitong sistema nang umupo ang administrasyon ni PNoy. Hindi bat ipinasa ang batas na nagtatatag sa GCG para matigil na ang sobra-sobrang pagbibigay ng mga bonus sa mga GOCCs?
Sa nangyayari ngayon, tuloy ang ligaya para sa GOCCs. Bukod sa malalaking mga sweldo, patuloy pa rin ang pagbibigay nila sa kanilang mga sarili ng napakalalaking benepisyo. Laging idinadahilan ng mga opisyal ng mga GOCCs na ito at maging ng gobyerno na nararapat lamang ang mga bonus dahil sa magandang trabaho ng mga opisyal ng GOCCs. Saan nga kaya sila kumukuha ng kapal ng mukha?
Bakit ganon lagi ang kanilang katwiran – na dapat silang i-compensate dahil sa maganda nilang trabaho. Teka, teka muna po mga sir at mga mam, hindi ba’t inilagay kayo sa inyong mga posisyon para magtrabaho ng maayos? Hindi naman kayo inilagay diyan para lang magpalamig sa airconditioned ninyong mga opisina, hindi ba?
Ang isa sa abut-abot ang kakapal ng mukha ay itong mga opisyal ng PhilHealth. Base na rin sa listahan na ipinalabas ng COA, ang PhilHealth ang may pinakamalaking natatanggap na bonus na umabot ng P1.45 bilyon, na kinumpirma rin ni Villanueva. Itinama pa nga niya ang datos, hindi raw P1.45 bilyon kundi P1.6 bilyon.
Sino ang hindi aalma sa ganitong balita? Talagang magwawala ang mga miyembro ng PhilHealth dahil napakalaking benepisyo ang ipinagkaloob ng mga opisyal ng tanggapan sa kani-kanilang sarili, gayong magpapatupad ng pagtaas ng kontribusyon para sa mga miyembro simula ngayong Enero. Again, saan nga ba sila kumukuha ng kapal ng mukha?
Idinadahilan pa ng PhilHealth na kailangan ang pagtataas para masiguro na hahaba pa ang buhay ng tanggapan at masigurong tuloy-tuloy ang mga benepisyo ng mga miyembro sakaling maospital ang mga ito. Hindi lang milyon-milyon, kundi umabot sa bilyon pondo ang nagamit na ng mga opisyal ng PhilHealth para sa sinasabi nilang bonus.
Sa pangyayaring ito, hindi bat dapat umaksyon na ang Malacañang sa ginagawa ng mga GOCCs? Sa pag-upo ni PNoy noong 2010, isa sa mga pinuntirya niya ay ang malalaking bonus ng mga GOCCs, makalipas ang halos apat na taon, ito pa rin pala ang problemang kinakaharap ng gobyerno. Nasaan na ang Daang Matuwid?
DA who naman itong mambabatas na kaalyado ng administrasyon na halatang nililihis ang isyu laban sa kanya matapos masabit sa umano’y nangyayaring 30 hanggang 35 porsiyentong kickbacks sa mga proyektong ginagawa para sa mga biktima ni Yolanda. Hindi ba’t isa ang mambabatas sa mga pangalang lumutang na sinasabi ni Rehabilitation Czar Panfilo Lacson na sangkot sa kickbacks?
At para nga malihis at hindi na sumabit ang pangalan sa isyu ng kickback, talagang iginigiit nito na bigyan ng emergency powers si PNoy para maresolba ang problema sa suplay ng kuryente sa bansa.
Sir, hindi ka naman yata masyadong obvious yang move mo para hindi na mapag-usapan ang isyu hinggil sa kickbacks.
At hindi na nga masyadong hot ang issue ng kickback, yung emergency power na lang. Itong mambabatas na ito, hindi mo rin malaman kung saan humuhugot ng kakapalan ng mukha.