HANGGANG ngayon marami pa rin ang naniniwala na this is a man’s world. Baluktot pa rin ang pagtingin ng marami dahil sa paniniwala na ang mga kababaihan ay mga second-class citizen lamang at kahit kailan ay hindi puwedeng ungusan o pantayan man lamang ang mga macho ng mundo o ng ating lipunan.
Dahil sa buktot na paniniwalang ‘yan, patuloy at patuloy pa rin ang pagtaas ng insidente ng pang-aabuso sa hanay ng mga kababaihan — mga pang-aabuso hindi lamang sa pisikal, kundi kasama na rito ang verbal abuse, psychological at maging financial; mga pang-aabuso na hindi lamang sa bahay kundi sa trabaho, sa komunidad o sa kabuuang sosyedad na ating ginagalawan.
Nitong mga nakaraang araw, isang celebrated case ng women battery ang nasundan natin, mapa telebisyon, radyo at maging sa mga dyaryo. Laman ng balita ang macho o nagpapa-machong si dating Ilocos Sur Governor at ngayon ay deputy National Security Adviser na si Chavit Singson na buong
giting pang ipinagmalaki ang ginawa niyang pambubugbog sa kanyang live-in partner na si Rachel Tiongson dahil sa umano’y pangangaliwa nito.
Walang kagatul-gatol na sinabi ni Singson na bagay lamang na danasin ni Che ang ganyan dahil sa kanyang pangangaliwa, at pasalamat pa raw ito dahil hindi niya pinatay ang ina ng kanyang limang anak.
Halos manghiram ng mukha sa aso ang partner ni Singson dahil sa umano’y pambubugbog sa kanya ng dating partner, na halos naging mitsa ng kanyang buhay kung hindi siya pinalad na makatakas sa mabagsik na kamay ng dating gobernador. Maging ang lalaki na sinasabing kalaguyo ni Che ay sinabing
pinagbubugbog din ng mga tauhan ni Singson.
Umalma ang maraming mga kababaihan sa ginawa ni Singson. Maraming mga kababaihan hindi lamang sa gobyerno ang nakisimpatya sa nangyari kay Che. Ilang mga kababaihan din marahil ang natuwa sa ginawa ni Che dahil sa nagkaroon siya ng lakas ng loob na labanan ang ginawang pang-aabuso sa kanya. Hindi naging hadlang ang impluwensiya, kayamanan, kapangyarihan ng isang gaya ni Singson para magsumbong at labanan ang isang pang-aabuso.
Tama lang ang ginawa ni Che. Tama lang na labanan niya ang ganitong uri ng pang-aabuso at hindi dapat ikatakot kung ano mang meron ang isang gaya ni Singson.
Ang lakas ng loob na ipinakita ni Che ay isang malaking aral sa mga kabaro niya. Aasa tayo na dadami at dadami pa rin ang mga kaso ng mga naabusong kababaihan hindi dahil mas lalong nagiging salbahe o mapang-abuso ang sinasabing stronger sex. Dadami ang mabibilang na kaso ng pang-aabuso
dahil mas malakas na ang kanilang loob na magsumbong at lumaban.
Ang kaso ni Che ay di lamang din aral sa mga babae kundi higit sa mga lalaki na ang tingin sa kanilang sarili ay higit na matimbang, higit na malakas, mahusay at makapangyarihan. Aral ito sa kanila na ang tingin sa mga babae ay trophy material lamang, pang-display, pang-kama, at laging nasa ilalim ng kanilang awa.
Panahon na rin na dapat bigyan ng dagdag na leksyon ang mga (nagmamalaking) kalalakihan hinggil sa kung paano nga ba irespeto ang isang babae — ang kanilang karapatan, kagalingan, kakayahan, katalinuhan at maging ang kanilang kahinaan. At kapag nagawa nila ito, tiyak na aani sila ng higit pang respeto.
***
BINUBUGBOG KA BA NG ASAWA MO?
KUNG binubugbog ka ng asawa mo, lalaki man siya (karaniwan sa lipunan natin ay lalaki) o babae (mas malaking balita kung babae ang nambubugbog), aba’y kailangang lumantad ka na. Kung nagkakaroon ka ng agam-agam sa paglantad, magpadala ka sa amin ng mensahe. Baka matulungan ka namin at magkaroon ng proteksyon laban sa pananakit, o kundi’y maiahon ka ng ating hustisya at mabigyan ng katarungan ang kaapihan mo.
BANDERA Editorial, September 8, 2009