ABS dedma sa mga reklamo, Anne tuloy sa Dyesebel

ANNE CURTIS

NAGSIMULA nang mag-training si Anne Curtis para sa pagganap niya bilang Dyesebel na mapapanood na very soon sa ABS-CBN. Mismong ang mga taga-Philippine Mermaid Swimming Academy ang nagtuturo ngayon sa Kapamilya actress.

Sa kanyang Instagram account, nag-post si Anne ng mensahe pagkatapos ng isang araw niyang training, aniya, “Day 2 of training with my coach Karla Fukui of the Philippine Mermaid Swimming Academy! I’ll tell you one thing, it certainly isn’t an easy thing to do BUT it’s loads of fun!!!”

Kasabay nito, nag-post din si Anne ng isang litrato kasama ang kanyang swimming coach kung saan makikita rin ang ginagamit nilang buntot ng sirena.

Nitong nakaraang linggo ay pormal na ngang inihayag ng Dreamscape Entertainment ang pagbibida ni Anne sa panibagong remake ng Dyesebel at sabi nga ng kontrobersiyal na aktres, isa na naman itong “dream come true” para sa kanya. As in nabura raw lahat sa isipan niya ang lahat ng pangit na nangyari sa buhay niya noong 2013.

Ayon pa kay Anne, napanood daw niya ang lahat ng “Dyesebel” movies (na pinagbidahan nina Vilma Santos, Alma Moreno, Alice Dixson at Charlene Gonzales), pati na rin ang teleseryeng ginawa ni Marian Rivera sa GMA 7.

Nang tanungin kung handa na ba siyang maikumpara sa mga nagdaang Dyesebel, ang tugon ng aktres, “Gusto ko lang maging magaling na Dyesebel. Gagawin ko lahat, magaaral ako ng fin swimming para maging ibang level na Dyesebel.”

Makakasama ni Anne rito sina Gerald Anderson (bilang Fredo) at Sam Milby (bilang si Liro, isang syokoy). Ay siyanga, pala, sa lahat ng bashers ni Anne na kontra sa pagganap niya bilang Dyesebel, dedma na lang daw ang aktres, hinanda na raw niya ang kanyang sarili sa mga ganitong kanegahan.

Read more...