UMABOT sa 112 bahay ang nawasak at 235 pa-milya ang naapektuhan nang hampasin ng malalaking alon na dulot ng “storm surge” ang limang barangay ng Jolo, Sulu, sabi ng isang military official kahapon.
Limampu’t pitong bahay ang nawasak sa Brgy. Chinese Pier, sinundan ng 41 bahay sa Brgy. Tulay, 14 bahay sa Brgy. Busbus, at isa sa Brgy. Takut-Takut, sabi ni Col. Jose Johriel Cenabre, commander of the 2nd Marine Brigade, gamit bilang basehan ang impormasyon mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Aabot sa 150 pamilya ang naapektuhan sa Tulay, 70 sa Chinese Pier, 14 sa Busbus, at isa sa Takut-Takut, ani Cenabre.
Hinampas ng malalaking alon ang apat na barangay, pati ang poblacion na Brgy. Walled City, simula pa Sabado, aniya.
Walang naulat na napinsalang bahay sa Walled City, ngunit sinira ng malalaking alon ang mahigit 10 metro ng sementadong berthing area ng Port of Jolo, ani Cenabre.
Death toll nasa 23 na
Samantala, umakyat na sa 23 ang bilang ng nasawi habang 14 pa katao ang nawawala dahil sa mga pagbaha at landslide na dulot ng malakas na ulan sa Mindanao, ayon sa mga awtoridad kahapon.
Walo katao ang nasawi sa Davao Oriental, sinundan ng anim sa Dinagat Islands, lima sa Compostela Valley, at tig-iisa sa Agusan del Sur, Misamis Occidental, Zamboanga del Norte, at Zamboanga del Sur, ayon sa impormasyon mula sa regional civil defense offices, militar, at pulisya.
Sa Davao Oriental, umakyat sa walo ang nasawi matapos makumpirma ang pagkalunod nina Ben Mar Pedro at Rodrigo Artiaga sa Brgy. Marayag, Lupon, sabi ni Loreto Rirao, direktor ng Office of Civil Defense-11, sa kanyang ulat.
Pito pa katao ang nawawala sa Compostela Valley. Apat sa mga ito ang pinaniniwalaang nalibing sa landslide sa Brgy. Mt. Diwata, Monkayo, ani Rirao.
Sinira rin ng pagbaha at mga landslide ang aabot sa 8,693 ektarya ng plantasyon ng palay, mais, saging, niyog, at gulay sa Davao Oriental at Davao del Norte, aniya.
Sa Dinagat islands, limang miyembro ng pamilya, na nakilala bilang sina Atanacio Geltura, 62; Realyn Geltura, 42; Michelle Geltura, 13; Felixberto Munoz, 34; at Alqueser Munoz, 2, ang nasawi nang malibing sa landslide ang kanilang mga bahay sa Brgy. Poblacion, Cagdianao, sabi ni Jane Mayola, information officer ng pamahalaang panlalawigan, nang kapanayamin sa telepono.
Isang Primitivo Morales, 33, ang nasawi nang malibing din sa parehong landslide habang naglilinis ng isang drainage canal, ani Mayola.
Dalawa katao, na nakilala bilang sina Renz Anthony Geltura, 6, at Jose Cabilan, 33, ang nahugot nang buhay sa guho at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital, aniya.
Sa Zamboanga del Norte, isang Myrna Mandas, 43, ang natagpuang lumulutang sa Brgy. Langatian, President Roxas, matapos maanod ng baha mula sa Brgy. Villahermoso, sabi naman ni Adriano Fuego, dirketor ng Office of Civil Defense-9, nang kapanayamin sa telepono.
Umabot na sa 40,640 pamilya o 199,327 katao sa Northern Mindanao, Southern Mindanao, at Caraga ang lumikas dahil sa mga pagbaha at landslide na dala ng ulang dulot ng low pressure area simula pa Biyernes, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
LPA di pa aalis
Halos hindi naman gagalaw ng dalawa o tatlong araw ng low pressure area na nagpapaulan sa malaking bahagi ng Bicol, Visayas at Mindanao.
Kaya pinag-iingat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang mga lugar na ito sa posibleng pagbaha at landslide dulot ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Maliit na lang umano ang tiyansa na maging bagyo ang LPA na inaasahang tatawid pakanluran. Kahapon ang LPA ay namataan 60 kilometro sa Butuan City.