ISANG buwan na lang, Pasko na. Mahigit tatlong milyon Pinoy ang walang trabaho at triple nito ang underemployed (nurse, guro, business grads na nagtatrabaho bilang contractuals sa mga malls at grocery); walang trabahong nalikha ang PPP dahil hindi naman ito naipatupad ng gobyerno; mataas ang presyo ng mga bilihin at umabot na ng 5.2% (inflation rate), lalo ang bigas, asukal, baboy, manok, galunggong, LPG, cooking oil, sardinas, delata at gamot; kulang ng 3.6 milyon bahay ang target housing units ng gobyerno at 200 bayan ang walang doktor. Malalaking problema ito. Patunay na hindi nagtrabaho ang mga opisyal ng gobyerno. Hindi nga nagtrabaho, dahil yung Luneta hostage crisis ay wala ngang naparusahan. —Lito Bautista
MAINIT ang mga politiko, lalo na ang mga kontra-GMA, sa Development Bank of the Philippines dahil sa pagpapautang nito kay ex-Trade Minister Roberto Ongpin. Anila, pinautang si Ongpin dahil malapit ito kay dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo.
Ginamit ni Ongpin ang pera sa kanyang negosyo at nabayaran na niya ang utang bago pa man mapaso.
Kung naging mainit ang mga senador kay Ongpin, dapat ay mas maging mainit ito sa mga pinautang ng DBP na hindi na nagbayad at hindi pinagbayad. Napansin din ni Neil Cruz, columnist ng kapatid na Philippine Daily Inquirer, ang sadyang paglihis ng senador sa usapin kapag natumbok ang mga kompanyang hindi pinagbayad ng DBP sa kanilang mga utang, tulad ng Maynilad Water, na umutang ng P710.86 milyon; Bayantel, P591.81 milyon; Central CATV Inc., P207.10 milyon; Benpres Holdings, P157.95 milyon. Ito ay mga kompanyang pagmamay-ari ng pamilya Lopez, may-ari ng ABS-CBN2.
Kapag nangungupahan ka, palalayasin ka kapag di nakabayad ng utang. Ito, inilista na lang sa tubig ang milyones na utang. Niloloko talaga ang taumbayan ng gobyerno, mga opisyal nito at oligarko. Tama si Marcos nang lansagin ang oligarko. Bakit nakatuon lang kay Ongpin ang imbestigasyon? Kasi nga, pang-SONA sana si Ongpin. Di lang umubra.
Magagaling talagang magbasketball ang malalapit kay P-Noy. Sa desisyon kung papayagang makapagpagamot si ex-President Gloria Arroyo sa ibang bansa, at masidhing pagtanggi ni P-Noy, nalilibang ang taumbayan at nakalilimutan ang tunay na problema: Ang kahirapan. Sige pa, bugbugin pa ninyo si GMA para makalimutan ang gutom at kahirapan.
Mapupuna na medyo kumambiyo si P-Noy sa pagsasabing gagastusan ang pagkuha sa mga doktor sa abroad para dalhin dito at masuri si GMA. Kumambiyo na naman na di gagastahan ito ng gobyerno. Naramdaman na niya ang pulso ng taumbayan, na mismong kaalyado niya sa Senado ay di sang-ayon sa kanya. Walang problema sa Kamara. Kung sino ang kusinero, doon sila kakain. Paano kung kumontra ang Korte Suprema.—Leifbilly Begas
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Wish ko sanang matigil na ang karahasan sa mundo. Pero sino ang makapagbibigay nito? Ang mga malalapit sa Diyos? Sa Pangulo? Ang mga armado? …6434
Nakaaalarma ang paghawak ng baril ng mga kabataan ngayon. Simula elementarya, nakakapatay ng classmate, suicide sa mall, pati kay Ram Revilla. Pero, bakit tahimik ang simbahang Katoliko? Wala bang magagawa ang DSWD? O ang DepEd? Baka masampal kayo ni Rizal, di ninyo itinuwid ang pag-asa ng bayan. …2031
Hindi lahat ng Muslim ay traydor. Sadyang bobo lang talaga ang ilan at di marunong umintindi ng kapayapaan. …6886
MAY alam ka bang katiwalian sa isang sangay ng gobyerno? Ikaw ba’y hiningan ng pera habang naglalakad ng papeles sa ahensiya ng gobyerno? O may alam ka bang opisyal ng gobyerno na may ibinabahay na iba? May reklamo ba kayo sa mga pulis? May ibinabahay bang ibang pamilya ang pulis sa inyo? Parati ba siyang galit sa pera? O adik na ba siya? Tulungan natin ang pamahalaan na linisin ang kanilang hanay. Tulungan din nating mapigilan ang katiwalian sa gobyerno. Sumulat sa Tropang Bandera, MRP Plaza bldg., Pasong Tirad corner Mola st., Makati City. Lakipan lamang ng Bandera logo with date ang inyong liham.