Emergency power: Pag-amin ng kahinaan

MALAMIG ang pagtanggap ng mga lider ng Kamara sa panukalang bigyang ng emergency power si Pangulong Aquino upang masolusyunan ang problema sa kuryente.

Ipinanukala ito ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone matapos na tumaas ng P4.15 kada kiloWatt hour ang presyo ng kuryente noong Disyembre.

Tingin ng liderato ng Kamara hindi naman ito hinihingi ng Malacanang.

Sabi ng ilan, ayaw kagatin ang panukala ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone dahil para nga naman daw inamin ng Palasyo na hindi nagagampanan ng gobyerno ang trabaho nito kaya kailangan pa ng dagdag na kapangyarihan ng presidente.

Sabi naman ng mga taga oposisyon wala namang emergency o kakulangan sa kuryente sa kasalukuyan kaya hindi napapanahon para bigyan ng dagdag na kapangyarihan ang pangulo.

Ang problema umano ng bansa, mahal ang kuryente kahit na stable nag suplay.

Hindi kaya may punto rin naman si Evardone?

Sabi nya, patuloy ang paglaki ng demand sa kuryente na dala ng pagganda ng ekonomiya.

Nadaragdagan ang demand pero wala namang nadadagdag sa suplay. Ganito na ang scenario sa Mindanao.

Nakararanas na sila ng rotational brownout kapag hindi umuulan at mababa ang tubig ng mga dam, wala silang ibang mapagkukuhanan ng kuryente.

Kelan pa raw magtatayo ng mga bagong planta, pag panay na ang brownout?

Aniya tumatagal ng ilang taon ang pagtatayo ng planta kaya kung panay na ang brownout ay tsaka pa lang bibigyan ng emergency power ang Pangulo, eh huli na. Hihintayin pa ba nating lumala ang problema bago umaksyon?

Pero kailangan ba talaga ng emergency power para magtayo ng planta? Baka naman pwedeng gawin na lamang ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang mga trabaho para masolusyunan ang mga haharaping problema ng bansa.

Kung merong dapat na madaliin. Baka ito ay ang panukala ni Evardone na ipagbawal ang cross ownership sa power sector.

Lalo at dito sa atin, kontrolado ng iilang kompanya o pamilya ang mga planta ng kuryente.

Mag-usap-usap lang ang mga yan eh, patay na. Dagdag bayad na naman tayo.

Baka panahon na rin para bumalik sa power plant business ang gobyerno?

Kung ang gobyerno ang mago-operate ng ilang mga planta ng kuryente baka naman maiwasan ang pangamba na pinaglalaruan lang tayo ng mga pribadong power plant.

Panahon na rin siguro para magtayo tayo ng mga planta ng kuryente na hindi gumagamit ng produktong petrolyo.

Sa ibang bansa, nakagagawa na sila ng kuryente gamit ang alon ng dagat.

Napapaligiran ng dagat ang Pilipinas baka pwede tayo rito.

Dahil wala namang gastos sa paggamit ng dagat, mura ang nalilikha nitong kuryente.

Hindi kaya pwedeng gawing proyekto ng TESDA ang paggawa ng mga solar panel? Tapos ibenta sa murang halaga para magkaroon ng suplay ang mga nasa liblib na lugar na hindi naaabot ng poste ng kuryente.

Kapag marami nang bahay ang may sariling solar panel, mababawasan na ang pagdepende sa mga power plant.

Ang tanong, gugustuhin ba naman ito ng mga power plant na pagmamay-ari ng mga pamilya na nagbibigay ng malaking campaign contributions sa mga pulitiko? Kayo na ang sumagot.

Read more...