Napakalamig ng klima ngayon sa Nueva Ecija. Para kang nasa Baguio ngayon sa aming nayon, kundi ka naka-jacket ay siguradong manginginig ka sa lamig, ngayon lang namin ‘yun naranasan mula nang maging tao kami.
Alas kuwatro pa lang nang hapon ay suson-suson na ang suot na damit ng aming mga kababaryo, nanunuot naman kasi talaga ang lamig, lalo na kapag nanununtok na ang malakas at malamig na hangin.
Pero walang pakialam ang mga kanayon namin sa lamig kapag si Willie Revillame na ang paksa, tanong sila nang tanong kung kailan daw ba babalik sa TV ang kanilang idolo, inip na inip na raw kasi ang mga ito.
“October pa nu’ng mawala siya sa TV5, ano na ngayon? January na. Parang matagal na yata ang bakasyon niya, wala pa bang dumarating na offer sa kanya ang ibang network?
“Nakaka-miss na kasi siya, saka sayang naman ang chance ng mga kapuspalad na Pinoy na palaging nakakatanggap ng prizes mula sa show niya. Sana nga, magbalik-TV na siya para maging masaya na kami.
“Sa kalyeng ito, suyurin mo man ang lahat ng kabahayan, e, show ni Willie ang pinanonood. Nasa gabi siya, inilipat sa tanghali, pero siya pa rin ang sinusuportahan namin.
“Sana naman, makabalik na siya, mapasaya na sana niya uli ang mga lolo at lola, magkaroon na sana siya ng programa uli,” pakiusap ng isa naming kaibigan sa baryo.
Abalang-abala ngayon ang aktor-TV host sa mga ipinatatayo niyang gusali, personal ang ginagawa niyang superbisyon sa paggawa nito, isang katangiang mula nu’n hanggang ngayon ay pinaiiral pa rin ni Willie.
“Iba kasi kapag nandu’n ka, kapag nakikita mo ang galaw ng mga karpintero. Personal talaga ang ginagawa kong pagtutok, hands-on talaga, ganu’n talaga ako kahit sa paggawa ng set ng mga shows ko,” balita sa amin ni Willie sa pinakahuli naming pagkukuwentuhan.
( Photo credit to Google )