MASAYANG-MASAYA si Ai Ai delas Alas nang makatsikahan namin siya sa hallway ng ELJ Building noong Huwebes ng gabi pagkatapos ng storycon ng Dyesebel. Importante ang magiging role niya sa karakter ni Anne Curtis.
Nagulat nga raw si Ai Ai nang malaman niya ng gabing iyon na si Anne ang Dyesebel dahil ang alam daw niya ay si Jessy Mendiola ang bibida sa nasabing serye.
“Tapos biglang lumutang si Kim Chiu. Sabi ko, may tsinita bang Dyesebel? Wala naman, eh. Lahat mestiza, parang Amerikana, ganu’n,” sabi pa.
Dagdag pa, “Tama si Anne. ‘Yung hitsura niya, eh. Di ba gumanap din si Michelle Van Eimeren (ng Dyesebel). Si ate Vi (Vilma Santos). Mapuputi na malalaki ang mata.”
Na-miss ni Ai Ai gumawa ng serye dahil ang huli pa niya ay ang My Binondo Girl at introducing palang noon si Richard Yap na binansagan ng Comedy Queen ng Papa Chen at ngayon ay sobrang sikat na bilang si Ser Chief sa Be Careful of My Heart.
“Para bago naman para sa akin. Sirena ako, so mag-aaral akong lumangoy. Marunong akong lumutang (na lumalangoy) pero mag-swimming underwater, hindi ako marunong.
Saka iba ‘yun, kasi may buntot ka. Iba ‘yung wala kang paa,” sabi pa ni Ms. A. Kaya maski raw mangangarag siya sa taping ng Dyesebel ay tinanggap niya ito, at ang magiging cut-off time niya ay, “2 a.m., alam naman ng lahat ‘yan, alas dos ng madaling araw lang ako para naman may oras pa akong matulog.”
At pangalawang beses na raw niyang makakatrabaho si Anne dahil nauna na ang launching movie ng aktres na “Cute Ng Ina Mo” kasama si Luis Manzano na talagang kumita rin ng husto mula sa direksyon ni Wenn Deramas para sa Viva Films at Star Cinema.
Samantala, hindi pa rin makapaniwala si Ms A. sa abuloy ni Vic Sotto na kalahating milyon para sa namayapa niyang nanay na si Gng. Gregoria Hernandez delas Alas, “Muntik na akong sumunod sa nanay ko sa kagulatan!” natatawang sabi ng komedyana.
“Actually, ang sabi ko kay Bossing, ‘yung regalo niya sa akin (Pasko) e, abuloy na lang niya kasi namatay nanay ko. Sabi ko kasi, ‘Bossing, namatayan ako ng nanay, ‘yung hinihingi ko sa ‘yong regalo.’
Humihingi kasi ako ng Lacoste, kasi di ba, parati niya akong hinihingan ng Lacoste, kunyari, ‘Ay, Lacoste naman diyan!’ Ganu’n siya.
“So ngayon, sabi ko, ‘yung Lacoste na hinihingi ko sa ‘yo, i-convert mo na lang sa prayers or pera kung gusto mo. ‘Yon, doon nagsimula. Nun’g nagpadala ng tseke, nagulat ako, muntik na akong sumunod sa nanay ko!
“Sabi ko sa kanya, huwag ka namang ganyan, nagbibiro lang ako!’ Sabi niya, ‘Nagbibiro ka pala, di isoli mo!’ Ha-hahaha! Pero sinagot ko siya ng, ‘Ayoko nga!’ Ha-hahaha!” At bilang pasasalamat ay pinadalhan niya ng Lacoste t-shirt si Vic.
( Photo credit to Google )