Kapag busisi, busisi

PABORITONG biktima at araw-araw ay pinagnanakawan ang arawang obrero, ang mahihirap, na walang magawa, hindi makapapalag, hindi makapagrereklamo, walang mga baril para makapagsimula at ilunsad ang himagsikan.

Sila ang hindi makapagrereklamo at walang magagawa kapag kinaltasan ng buwis ng ganid na gobyerno, na inilaan at inipon para nakawin lamang ng mga senador at kongresista, ng walang kabusugang mga opisyal ng Department of Budget and Management.

Ah, kinopo na nga pala ng Malacanang ang pera ng taumbayan, na para raw sa mga sinalanta at niragasa ng mga kalamidad, tulad ng Samar at Leyte.

Napakasakit, at kagimbal-gimbal, ang nadiskubre ng Commission on Audit.  Sa audit report ng COA noong 2012 sa conditional cash transfer ng Department of Social Welfare and Development, na pinamumunuan ng baligtaring si Corazon Soliman (napakaganda ng ibinigay na pangalan sa iyo, bakit mas masaya ka sa palayaw na Dinky, na pinaglalaruan ngayon ng mga kritiko bilang donkey?), bumuyangyang ang doble listing (dalawang beses inilista ang isang pangalan, wow, doble kabig) na umabot sa 7,782 benepisyaryo, na nakakuha ng P50.1 milyon.

Binigyan din ng pera mula sa arawang obrero ang mga multong benepisyaryo (talagang ang gobyerno ay hindi takot sa multo at ito lamang ang iginagalang na gobyerno na kasapi ng United Nations na napakaraming multo, minumulto at pinagmumultuhan).

Labis na ipinagtataka rin ng COA ang hindi pag-liquidate (ang perang ginasta ay kailangang ipaliwanag kung saan at kanino ginasta, hanggang sa huling sentimo) ng mahigit P3 bilyon cash advance ng DSWD.

Sa mga nadiskubre ng COA, magugulantang ba ang Malacanang? Mahuhulog ba sa trono ang ipinagpipitagang mga opisyal, at tinawag na mga kagalang-galang pa, ng Department of Budget and Management, na pinamumunuan ni Abad politician?

Maglalabasan na naman ba sa kalye ang Akbayan at iba pang komunistang organisasyon para kondenahin ito, tulad ng kanilang ginawa kay Gloria Arroyo noon?  Imposible.

Imposible nga dahil naglaho na rin ang mga kasapi ng Million People March, na, tama ang administrasyong dilaw, walang isang milyon, parati, kapag sila’y lumabas sa kalye, Luneta’t Ayala.

Nakalulungkot, at kahindik-hindik, dahil nanahimik na rin ang Polytechnic University of the Philippines, ang University of the Philippines, University of the Philippines-Los Banos, University of the Philippines-Visayas, atbp., dahil ang ginawa nilang pagbabantay noon kay Arroyo ay hindi nila ginawa ngayon sa Ikalawang Aquino, ang anak nina Ninoy at Cory.

Teka, may kritiko at kunwari’y oposisyon daw sa Kamara de Representantes.  Ha!?  Ang mga kritiko at kunwari’y oposisyon sa Kamara ay pinasusuweldo ng arawang obrero kahit hindi nila ipinagtatanggol ang mahihirap, kahit pabalat-bunga man lang?

Simula nang mawala si Joker Arroyo sa Kamara, wala nang makabayan dito.  Dahil napakarami, at santambak, ang makabayad; balikan ang impeachment ni Corona at RH bill.

Kunwari’y naghain ng resolusyon sina Congresswoman Emmie de Jesus, Minority Leader Ronnie Zamora at 11 iba pa (hayan, tinawag na kayo sa inyong mga palayaw para kayo’y sipagin at magpakatotoo, kundi pa naman kayo talaban ng hiya’t konsensiya) para imbestigahan ang iregularidad na nadiskubre ng COA.

Walang patutunguhan ang hiniling na imbestigasyong ito dahil ang mga politiko sa Kamara, na pinassusuweldo ng taumbayan, ay balot at tigib sa interes na para lamang sa kanilang mga sarili.

Tulad ng noo’y isinulong ni Rep. Noynoy Aquinio, na Freedom of Information bill.  Nang siya’y maging pangulo ay hindi na niya isinulong ito dahil baka siya at napakaraming bumaligtad kay Arroyo at bigla niyang naging kaalyado ang magkaroon ng latay ng suplina.

Walang mangyayari sa imbestigasyon dahil sinabi agad ni Soliman na ang doble at maanomalyang pagbabayad sa mga benepisyaryo ng CCT ay “minimal.”

Maliit at konti lang daw ito kaya’t walang kuwenta at kwenta.  Higit sa lahat, ang mga ito raw ay madaling iwasto. Aniya, sa unang 4,000 benepisyaryo na tumanggap ng kaduda-duda cash grants, 237 lang ang maanomalya; at maliit lang daw ito kung ikukumpara sa 3.9 milyon benepisyaryo.

“That’s 200 out or 3.9 million so it was minimal.  And we can correct these errors,” pagyayabang ni Soliman.  Pero, mahirap maging tama ang mali, lalo na sa kuwentang milyones.

Ang ninakaw ay ninakaw na at kung iyan ay pera, at milyones, mahirap nang ibalik iyan.  Napakaraming desisyon ng COA at ng mabababa at matataas na hukuman ang nagsabing ibalik ang pera; at hindi agad ito naibabalik, at may mga kasong hindi na nga naibabalik at nakamamatayan na.

Pahabol ni Soliman: “I won’t say there was bad faith…The fault is with us.”  Tanungin si Rodolfo Farinas: ito ba ang sinasabi mo noon na palusot?

Pero, inamin na mismo ni Soliman na nangyari ang doble bayad dahil may mga benepisyaryo na katulad ang una at huling pangalan.

Inamin din niya na hindi naitala ng DSWD ang middle names ng mga benepisyaryo na katulad ang una at huling pangalan. At may nawawala pang 7,782 benepisyaryo na hindi nakatala sa List of Validated and Registered Household Beneficiaries ng National Household Targeting Office.

Aba’y masakit na ang ulo ng pitong lasing sa Batangas na mas malabo pa sa sabaw ng pusit ang tingin nila sa mga nangyayari.
Kapag busisi, ay busisi, anang Batangueno.

Read more...