Eksaktong 7:47 p.m. nu’ng Martes (Nov. 8), nanganak si Regine via caesarean section sa Makati Medical Center. Wala naman daw naging major-major concern ang mga doktor na nagpaanak kay Regine.
Mismong si Ogie naman ang nagbandera sa buong mundo ng panganganak ng kanyang misis. Sa pamamagitan ng Twitter naipabatid ng Ultimate Songwriter ang kanilang kaligayahan sa paglabas sa mundo ni Nathaniel James.
“At 7:47pm nov 8,2011. God gave us Nathianel James. Thank you for the prayers. God bless you all!” ayon sa tweet ni Ogie.
Bago pa man magsilang ang Songbird, excited nang ibinalita ni Ogie nu’ng Martes nang umaga na any moment ay manganganak na ang kanyang asawa, “Songbird is now on her 36week (9months) of pregnancy, which means the pregnancy has completed its full term. Wifey and I are so excited!!!”
Kung matatandaan, mismong ang mag-asawa na ang nagsabi na wala na silang masyadong kakailanganin paglabas ni Nathaniel James dahil halos lahat daw ng mga gamit pambata ay nairegalo na sa kanila ng kanilang mga kaanak at kaibigan.
Si Nathaniel James ang unang anak na lalaki ni Ogie. Dalawang babae ang naging anak niya sa dating asawang si Michelle Van Eimeren, sina Leila at Sarah.