Iisa ang reaksyon ng entertainment press kay Kim Chiu sa pasimpleng pananaray niyang sagot sa tanong kung ano na ba talaga ang relasyon nila ngayon ni Xian Lim na leading man niya sa pelikulang “Bride For Rent”.
Trending ngayon ang kanyang linyang, “We don’t owe you any of our personal lives. Kasi, you can think naman what you think, as long as you’re happy when you watch us on TV.”
Aniya pa, “Nakikita niyo kung paano kami, kung papaano kami ma-in love. ‘Yun na ‘yun. Lahat naman tayo, meron tayong mga hindi dapat i-share or dapat i-share.
“Pero, it’s our choice (na hindi i-share), and I hope you guys respect it,” diretsong sabi ni Kim. Napanganga ang lahat dahil ang ayos-ayos ng tanong ng veteran columnist na si Aster Amoyo kay Kim tapos makakarinig ka ng ganu’n sagot?
Sana man lang ay gumamit siya ng “po” at “opo” para hindi lumabas na binastos niya si tita Aster. Kaya iisa ang tanong ng entertainment media, may pinagdadaanan pa rin ba si Kim?
Hindi pa siya nakaka-move on? Hindi pa pala siya okay?’ Samantala, aminado naman ang aktres na masyado na siyang maingat ngayon dahil sa nangyari noon sa kanya kaya hindi na siya masyadong nagsi-share ng anumang mayroon siya.
At dahil si Xian lang ang taong malapit at nakakaintindi sa kanya ngayon kaya sa kanya lang siya nagsasabi ng lahat. Aminado si Kim na may natutunan siyang aral sa mga nangyari sa kanya.
“Oo naman, lahat naman tayo may natutunan. Tulad dito sa movie, lahat ng tao, may kanya-kanyang role sa lahat ng taong nakikilala natin.
“Ako, may role ako kay Direk (Mae Cruz) sa buhay niya. May role ako kay Xian sa buhay niya. May nakikilala tayong tao. May natutunan tayong lesson.
“Hindi siya basta tao lang na dadaan lang sa buhay mo na wala kang natutunan it’s either good or bad,” katwiran ng aktres.
Samantala, dahil sa gigil ng katotong Roel Villacorta sa pabalang pagsagot ni Kim ay nagtanong siya ng, “Tutal, ayaw niyong umamin, iisipin na lang namin na isang palabas lang ‘to.
To tell you frankly, na-offend ako. Nakisimpatiya ako noong iwanan ka ni Gerald. Nakiiyak ako sa ‘yo, Kim. “Ano ‘to, pampelikula lang ba ang sweetness na ‘yan? Kasi, daig niyo pa ang totoong relasyon.
Parang niloloko niyo lang kami?” sabi pa ng ating katoto. Natigalgal si Kim at teary-eyed na sumagot ng, “Ay, aabot na po ba tayo sa ganu’n? At saka, sorry po, yung term ko, sorry talaga.”
Hayun biglang nagising si Kim at naalala nang gumamit ng “po” at “opo”. Naisip namin, baka kulang lang sa tulog ang aktres kaya kung anu-ano na lang ang kanyang sinasabi, dahil bago nga sila sumalang sa nasabing presscon ay puyat sila dahil nga nag-last day taping pa sila sa kanilang pelikula.
Pero ang ending pa rin ng kaganapan, nawalan na nang gana ang karamihan sa press kaya hindi na sila nag-one-on-one kay Kim pagkatapos ng Q and A at mas ginusto na lang magkuwentuhan sa labas ng venue ng presscon.
“Paano ka gaganahang mag-interbyu kung ganyan ang mga sagot ni Kim? Hindi ba ‘yan na-brief ng handler niya o hindi ba niya napag-aralan ang mga isasagot niya?” sabi ng isa pang katoto.
Ano kaya ang magiging epekto ng “pagtataray” ni Kim sa kanyang career?
( Photo credit to Google )