I WISH we could have played this way the whole conference! Iyan ang nasabi ni SanMig Coffee coach Tim Cone matapos na makaganti ang Mixers sa nangungunang Barangay Ginebra San Miguel, 83-79, noong Linggo.
Aba’y napakaganda ng performance ng Mixers sa larong iyon na naidikta nila mula umpisa. Sa first quarter pa lamang ay umigtad na kaagad ang SanMig Coffee at lumamang, 25-15.
Napalago nila ang abante sa 48-35 sa halftime break. Oo’t nakabawi ang Gin Kings na nagising sa third quarter at nakalamang, 66-65, papasok sa fourth period.
Pero hindi nagpabaya ang Mixers at tuluyang naipalasap sa Gin Kings ang ikalawang kabiguan sa 11 laro. Isa sa nagbida para sa SanMig Coffee ay ang point guard na si Mark Barroca na nagtala ng 16 puntos.
Karamihan dito ay nagawa niya sa fourth quarter upang mapigilan ang rally ng Gin Kings.Kung titingnang maigi, si Barroca ang pinaka-consistent sa mga manlalaro ni Cone mula sa umpisa ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup.
Siya nga ang leading scorer ng kanyang koponan. Kaya nga matapos ang panalong iyon ay naging contender si Barroca para sa Accel-PBA Press Corps Player of the Week pero natalo sa nagbabalik na si Danilo Ildefonso na ngayon ay naglalaro para sa Meralco Bolts.
‘‘Better late than never,” ani Cone sa magandang simula ng SanMig Coffee para sa bagong taong 2014. Ang panalong iyon ay ikaapat pa lang ng Mixers kontra sa pitong talo.
May tatlong games pa silang natitira sa 14-game elimination round at puwedeng-puwede na makaiwas sa maagang pagkakalaglag.
Malabo na nga lang na targetin pa nila ang isa sa top two spots dahil sa may tatlong teams na ang nakapagsubi ng walong panalo. Hanggang pitong panalo lang ang kaya nilang abutin kasi.
Ang decent target nila ay ang pumuwesto sa ikalima o ikaanim matapos ang elims. Sa gayung puwesto ay makakalaban nila ang No. 3 o No. 4 team sa best-of-three affair sa quarterfinals.
Kung titingnang maigi ay maayos na ang ikinikilos ng mga stars ni Cone. Nakabalik na ang mga ito buhat sa injuries na nagpabagal sa kanila sa umpisa ng torneyo.
Kung magpapatuloy ang improvements nina James Yap, Peter June Simon, Mark Pingris at Joe DeVance, makakaahon talaga ang SanMig Coffee.
“It’s 80 percent mental for us and 20 percent physical,” ani Cone. ‘‘We’ve been trying to put the negativity away. We’ve been trying tobe right minded and forward looking. “
Aminado naman si Cone na mahirap ang kanilang pagdadaanan. Pero hindi naman ito ang unang pagkakataong nakaremate ang SanMig Coffee.
Parang ganito din ang landas nilang tinahak noong nakaraang Governors Cup, hindi ba? At sa dakong huli ay nagkampeon pa sila.Baka makaulit?
Isang napakalaking morale-booster ang panalo nia kontra Gin Kings na nabigong mapantayan ang pinakamahabang winning streak ng torneyo. “What doesn’t kill you makes you better and stronger,” ani Cone.