MULI na namang nakuwestyon ang matuwid na daan ng Aquino administration.
Bukod kasi sa kinukuwestyong taas-pasahe sa Metro Rail Transit 3 at Light Rail Transit Line 1 at 2, meron ding umaangal sa paghahanap ng Department of Transportation and Communication ng kompanya para sa kontrata ng single-ticketing system sa mga tren.
Maganda ang proyektong ito at hindi na bago dahil matagal nang ginagawa ang ganito sa ibang bansa.
Katulad ito ng Octopus card na ginagamit sa Hong Kong na mas mabilis kaya walang pila sa kanilang mga tren at magagamit mo ring pambili sa mga tindahan.
Kapag naubusan ng laman, parang cellphone, maglo-load ka na lang.
Bago matapos ang 2013, inilabas ng DOTC ang listahan ng mga pasok sa prequalified bidding pero merong umaangal.
Mukhang laglag daw ang mga maliliit na kompanya at ang mga matitikas lang ang natira.
Totoo ba ‘to? Aba’y hindi ito sang-ayon sa matuwid na daan.
Magagalit si Presidente n’yan.
Sa mga ganitong proyekto dapat patas.
Hindi naman bago ang ganitong teknolohiya, kaya kahit di higanteng kompanya kayang gawin ang proyektong ito.
Hindi ba’t mas makakamura kung manggagaling sa maliit na kompanya ang proyekto?
Umaangal lang kasi ang E-Trans Solutions Joint Venture dahil hindi umano consistent ang BAC ng DOTC sa kanilang mga inilalabas na rules.
Ganyan naman lagi ang atungal ng mga talunang bidder.
Kesyo may kinikilingan, may problema sa rules at kung anu-ano pa.
Kaya dapat marinig ang DOTC kung may binago ba silang rules para may paborang contractor?
Mas maganda kung maipapakita ng DOTC na totoong sila ay malinis. Aba mahirap na, baka maulit ang National Broadband Network-ZTE deal na umani ng katakot-takot na kontrobersya at nagpasama lalo sa imahe ng Arroyo government.
Baka merong tumayo dyan at magsabi na “Sir, may 200 ka rito.” Magugulo nanaman ang bansa, kawawa nanaman ang ordinaryong si Juan dela Cruz.
Kung sa palagay naman ng DOTC ay tama ang ginawa nilang pagtanggal sa E-Trans at Megawide-Suyen-Eurolink consortium, di ipaliwanag nila. Hindi naman siguro masama ‘yun, para next time, alam na rin nung mga nalaglag na bidder kung ano ang dapat nilang gawin.
Ayaw ko rin namang isipin na may nagdidikta sa DOTC kung sino ang pipiliin nilang bidder.
Ang natira sa bidding ay ang SM group ng business tycoon na si Henry Sy, at AF consortium na sinasabing may kaugnayan sa
Ayala family, at ang Commworks-Berjaya.
Kung ang card na DOTC ay katulad nga ng Octopus card, magagamit na rin pala itong pang-shopping (pwede nang dumiretso ngayon sa SM malls).
Cash-less shopping, hindi mo na kailangang magdala ng cash, ‘yung card na lang ang magagamit mo.
Ang tanong na lang siguro ay saan, sa SM ba o sa Trinoma?