Bitayin na lang

KUNG ang pagbabasehan ay ang kawalan ng atensyon ng gobyerno ng Ikalawang Aquino, malamang na mabulok na lang sa mga bilangguan, o bitayin na lang, ang mga overseas Filipino workers na nahaharap sa malalaking kaso sa iba’t ibang bansa.

Ngayon ay sising-alipin ang Migrante Middle East dahil inakala nilang seryoso si Noynoy noong nangangampanya pa lamang hinggil sa ipinakong tulong sa mga OFWs na nakapiit.

Noong Hulyo 20, bumuo ng technical working group si P-Noy na kinabibilangan ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs, Department of Budget and Management at Office of the Presidential Adviser on Political Affairs para tulungan ang mga OFWs na nasa death row.  Pero, ayon na rin sa Migrante, moro-moro lang pala ang gagawin ng technical working group.

Kunwa-kunwarian lang pala dahil isinakay lang sa tsubibo ang Migrante, mga OFWs at pamilya ng mga ito.
Bilang katibayan, walang nangyari sa apela ng Migrante, pamilya, mga kamag-anak, kaibigan at iba’t ibang grupo para sa bilanggong si Rogelio Lanuza, na nangangailangan ng blood money para makaligtas sa bitay.

Ang blood money sa nakalipas na administrasyon ay ginagawan ng paraan para mailigtas ang isang buhay sa bitayan.  Sa administrasyon ng Ikalawang Aquino, ang blood money ay kamuhi-muhi.

Sa imbestigasyon ng mayayabang na senador (may nakita ka na bang mapagkumbabasa kanila?  Kung meron man, ilan sila?) sa dating mga opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office, ang blood money na kinuha mula sa intelligence fund ay mali.  Para sa kanila, di dapat kumuha ng blood money mula sa intelligence fund.

Kung walang blood money, dapat ay pinabayaan na lang bitayin ang mga Pinoy na nasa bitayan.

Si Lanuza sana ang unang OFW na maililigtas sa bitayan sa panahon ng administrasyon na ayaw gastahin ang pera para sa taumbayan.  Bitayin man sila o malunod sa baha sa Pampanga’t Bulacan (kung hinukay lamang ang baradong mga ilog, nakadaloy sana ang tubig.

Pero, ngayon ay maghuhukay na ang administrasyong Aquino dahil may mga namatay na sa baha).

Bagaman latay sa banat noon ang dating Pangulong Gloria Arroyo, kinikilala ngayon ng Migrante Middle East ang pagsisikap ng gobyernong GMA sa paglalaan at pangangalap ng blood money, at mga biyahe ng mga opisyal nito para kausapin ang mga pinuno ng bansang bibitay sa nagkasalang kababayan.

Inakala nilang seryoso ang administrasyon ng Ikalawang Aquino.  Katunayan, totoo ang kasabihan na maraming namamatay sa maling akala.

Read more...