Kobe: Wag n’yo akong iboto sa All-Star Game


KUNG ang ibang manlalaro ay nagkukumahog na mangampanya para mapabilang sa NBA All-Star Game ay taliwas naman ang ginawa ng beteranong si Kobe Bryant ng Los Angeles Lakers.

Sinabi ng 15-time All-Star na kasalukuyang nagpapagaling sa kanyang injury sa tuhod na huwag na siyang iboto ng kanyang mga fans para sa taunang mid-season extravaganza sa New Orleans sa Pebrero.

Sa kasalukuyang season ay nakapagrehistro lamang siya ng anim na laro at may average na 13.8 puntos, 6.3 assists at 4.3 rebounds kada laro. Bukod dito’y may average din siyang 5.7 turnovers per game na pinakama-taas sa buong liga.

Si Bryant ay napili bilang All-Star Game MVP ng apat na beses. Sa pinakahuling talaan ng All-Star voting ay napabilang si Bryant bilang starter ng Western Conference team.

Nasa top five rin ng West sina Kevin Durant ng Thunder, Dwight Howard ng Rockets, Blake Griffin ng Clippers at Kevin Love ng Timberwolves.

Nangunguna naman sa East sina LeBron James at Dwyane Wade ng Heat, Kyrie Irving ng Cavaliers, Paul George ng Pacers at Carmelo Anthony ng Knicks.

( Photo credit to INS )

Read more...