WALANG problema sa kampo ng Russian boxer na si Ruslan Provodnikov kung piliin ni Manny Pacquiao na si Timothy Bradley ang kanyang susunod na makakalaban at hindi siya.
Dalawa na lang kasi ang pinagpipilian ng kampo ni Pacquiao para makasukatan sa labang itinakda sa Abril 12 sa MGM Grand Arena, Las Vegas, USA. Ito ay sina Provodnikov at Bradley.
Ayon sa mga balita, mas pinapaboran ni Pacquiao na makalaban sa isang rematch ang WBO welterweight champion na si Bradley kaysa sagupain ang WBO light welterweight champion na si Provodnikov.
Ayon sa manager ni Provodnikov na si Vadim Kornilov, kapag hindi pinili ni Pacquiao ang 29-anyos na Russian boxer ay posibleng si Juan Manuel Marquez ng Mexico na lang ang susunod na makakasagupa nito.
“We would be happy if Pacquiao and Bradley agreed to fight,” wika ni Kornilov sa Boxingscene. “In this case, I think Marquez would agree to fight with Provodnikov. And I am sure that this fight would claim the title of ‘Fight of the Year’.”
Si Prodovnikov ay dating sparring partner ni Pacquiao sa Wild Card Gym ni Freddie Roach. Nagkausap na sina Bob Arum ng Top Rank at ang adviser ni Pacquiao na si Michael Koncz noong isang linggo ngunit hindi pa nila pormal na inaanunsyo kung sino ang makakatapat ng Kongresista ng Sarangani Province sa Abril 12.
Hindi man opisyal ay sinasabing si Bradley na ang siyang makakalaban ni Pacquiao dahil mas mataas ang interes ng mga boxing fans na mapanood ang nasabing laban.
Bagamat mahusay na boksingero si Provodnikov ay nakatatak na sa mga fans ni Pacquiao ang pangalan ni Bradley lalo pa’t tinalo nito si Pacquiao sa una nilang sagupaan noong 2012.
Matatandaan na nanalo si Bradley sa kontrobersyal na split decision kay Pacquiao upang makuha ang WBO welterweight title.
Inaasahang sa linggong ito ay pangangalanan na ng Top Rank ang boksingerong makakalaban ni Pacquiao upang masimulan na rin ang Promotional Tour na gagawin sa USA.
Noong isang taon ay nanalo rin si Bradley kay Provodnikov sa pamamagitan ng unanimous ngunit kontrobersyal na desisyon. Sa labang iyon ay bumagsak sa 12th round si Bradley ngunit hindi ito nakapagbago sa desisyon ng mga hurado.
Sa huli niyang laban ay nasungkit ni Provodnikov ang WBO light welterweight crown matapos biguin si Mike Alvarado ng Estados Unidos.
Ang wala pang talong si Bradley naman ay huling nanalo kay Marquez sa pamamagitan ng split decision.
( Photo credit to INS )