Durant binuhat ang Thunder laban sa Timberwolves

MINNEAPOLIS — Kinamada ni Kevin Durant ang 23 sa kanyang season-high 48 puntos sa ikaapat na yugto kabilang ang game-clinching basket may apat na segundo sa laro para tulungan ang Oklahoma City Thunder na makabangon buhat sa 13 puntos na paghahabol at itala ang 115-111 pagwawagi laban sa Minnesota Timberwolves sa kanilang NBA game kahapon.

Tumira si Durant ng 7 for 11 mula sa field at nagbuslo ng apat na 3-pointers sa huling yugto para tulungan ang Thunder na makabawi mula sa dalawang sunod na pagkatalo sa kanilang homecourt.

Si Kevin Love, na naglaro sa buong second half, ay nagtapos na may 30 puntos, 14 rebounds at limang assists para sa Wolves. Subalit sumablay naman siya sa apat na free throws sa huling 27 segundo ng labanan para hindi nila mauwi ang panalo.

Ang huling tatlo niyang free throw ay mula sa foul na nakuha matapos tumira ng 3-pointer may 2.2 segundo ang nalalabi sa laro at ang Wolves ay naghahabol sa dalawang puntos.

Umiskor si Derek Fisher ng 13 puntos habang si Serge Ibaka ay  nagdagdag ng 12 puntos para sa Oklahoma City, na nakalamang sa puntusan sa shaded area, 66-46. Si Minnesota center Nikola Pekovic ay nagtala ng 31 puntos at 11 rebounds.

Spurs 116, Clippers 92
Sa San Antonio, gumawa si Tiago Splitter ng 22 puntos bago inilabas sa laro bunga ng right shoulder injury habang si Tim Duncan ay nag-ambag ng 19 puntos at 11 rebounds para pamunuan ang San Antonio Spurs sa panalo laban sa Los Angeles Clippers na hindi nakasama si All-Star guard Chris Paul.

Gumawa naman si Tony Parker ng 17 puntos para sa San Antonio (26-8). Inilabas sa laro si Splitter may 9:37 ang nalalabi matapos bumangga sa dibdib ni Ryan Hollins.

Umiskor si Jamal Crawford ng 24 puntos para sa Los Angeles habang nag-ambag si Blake Griffin ng 19 puntos. Si Darren Collison ay nagdagdag ng 14 puntos at anim na assists bilang  kapalit sa puwesto ni Paul, na nagkaroon ng right shoulder injury noong Sabado laban sa Dallas Mavericks.

76ers 101, Trail Blazers 99
Sa Portland, Oregon, gumawa si Thaddeus Young ng 30 puntos para pamunuan ang Philadelphia 76ers na itala ang ikaapat na sunod na panalo na lahat ay pawang road games.

Si Evan Turner ay nagdagdag ng 23 puntos para sa 76ers habang si Michael Carter-Williams ay nag-ambag ng 16 puntos.
Si Portland forward LaMarcus Aldridge ay kumana ng 29 puntos at 14 rebounds para itala ang ika-20 na double-double ngayong season.

 

Read more...