Sey ni Lourd, talent ni Ryzza nasayang; Bimby sana maging mahusay na basketball player


Emosyon ng isang tagapanood na naglabas ng pera sa kanyang bulsa ang buod ng naging reaksiyon-rebyu ni Lourd de Veyra tungkol sa pelikulang pinagbidahan nina Vic Sotto, Ryzza Mae Dizon at Bimby.

Parang panonood lang ‘yun ng telebisyon, tayo ang nagbabayad ng kinokonsumo nating kuryente, kaya meron tayong karapatang pumuna sa mga programang tinututukan natin.

Ang pagpuna ni Lourd kay Bossing Vic ay makatwiran naman, nandu’n ang suhestiyon na sa mga panahong ito ay puwede nang gumawa ang TV host-komedyante ng mga pelikulang makabuluhan, mga proyektong maisipan man niyang magpaalam na sa lokal na aliwan ay maaalala pa rin siya ng ating mga kababayan.

Hindi rin siyempre nagustuhan ng news anchor-manunulat ang sangdamakmak na produktong ipinakita sa kabuuan ng pelikula. Sa mga hindi pa nakakaalam, kapag binigyan ng espasyo o tutok ang isang produkto sa pelikula ay bayad ‘yun, lumalabas na promosyon ang ganu’n ng isang produkto.

Paradahan ka nga ba naman ng pancit canton, cough syrup, tinapay, sabong panlaba at iba pang mga produktong ineendorso nina Bossing Vic at Kris Aquino.

Natural, ang mulat sa katotohanang bayad ang mga ganu’n ay mag-aalsa ng boses, sasabihing kinomersiyo talaga ang pelikula at pera-pera lang ang labanan du’n.

Sa kabuuan ay maraming pagpansin si Lourd de Veyra sa pelikula. Hindi gaanong nabigyan nang sapat na exposure si Ryzza Mae, samantalang magaling ang bata at panahon ngayon nito, kay Bimby naman ay sinabi na lang ni Lourd na sana’y lumaking mahusay magbasketbol ang bata.

Inuulit namin, may karapatang pumuna si Lourd de Veyra hindi lang dahil magaling itong magsulat at nasa unahan ng kanyang hanay bilang anak ng sining, kundi dahil dumukot si Lourd de Veyra ng halangang 220 pesos sa kanyang bulsa para ipambayad sa sinehan.

‘Yun nga lang, lumabas itong bigo.

( Photo credit to Google )

Read more...