Kim Chiu, Xian Lim ayaw manloko ng mga tao, takot sa karma

MULA sa tagumpay nito sa mga kritiko at takilya sa katatapos lamang na Metro Manila Film Festival, patuloy ang Star Cinema sa selebrasyon ng ika-20 anibersaryo nito  sa pagbubukas ng 2014.

Una nitong pasabog  ngayong bagong taon ang “Bride For Rent” – isang romantic comedy na pinagbibidahan nina Kim Chiu at Xian Lim.

Ang “Bride For Rent” ay idinirek ni Mae Czarina Cruz na siya ring nasa likod ng blockbuster hit na “She’s The One”. Minamarkahan din nito ang pinakahihintay na muling pagsasama nina Kim at Xian sa pelikula sapagkat itinuturing ng marami na isa sa pinaka-mainit na blockbuster loveteams ngayon ang kanilang tambalan.

Ang “Bride For Rent” ay isang nakakaaliw at nakakatuwang love story tungkol kina Rocco Espiritu (Xian) at Rocky Espiritu (Kim) na parehong desperadong nangangailangan ng pera.

Kailangang magpakasal si Rocco upang makuha niya ang kanyang malaking mana habang si Rocky naman ay kailangan din ng pera pambayad sa kanyang renta, sa takot na mawalan ng tirahan dahil malapit na siyang mapalayas kasama ng kanyang pamilya.

Makikipagsabwatan si Rocco kay Rocky na papayag na magpanggap na asawa ni Rocco kapalit ang malaking “talent fee.” Matapos ito, isangkatutak na nakakalokang mga problema ang haharapin nina Rocco at Rocky.

Uubra kaya ang kanilang plano o magiging biktima sila ng kanilang panloloko dahil baka magkaroon talaga sila ng feelings sa isa’t isa?

In fairness ha, napakaswerte talaga ng KimXi loveteam dahil binigyan agad sila ng Star Cinema ng follow-up movie after ng  smash hit nilang “Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo?” noong 2013

. Ibig sabihin lang nito talagang malaki ang tiwala ng management sa kanila para bigyan agad-agad ng movie project. At kahit nga hanggang ngayon ay hindi pa rin umaamin sina Kim at Xian sa tunay nilang relasyon, tuloy pa rin ang pagsuporta ng kanilang fans.

Kami, naniniwala kami na malakas talaga ang tambalan ng dalawa kaya kahit na hindi sila tunay na magdyowa suportado pa rin sila ng kanilang supporters.

At least, hindi na nila kailangan pang magkunwari o magsinungaling para paniwalain ang publiko na may relasyon sila. Ayaw lang siguro talaga nilang lokohin ang mga tao.

Ipapalabas ang “Bride For Rent” sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa simula Enero 15.

( Photo credit to Google )

Read more...