ATLANTA — Tumira ng buzzer-beating three-pointer si Andre Iguodala para itulak sa 101-100 panalo ang Golden State Warriors laban sa Atlanta Hawks kahapon sa NBA.
Nagdagdag din ng 23 puntos sa 9-of-16 field goal shooting si David Lee para sa Warriors na mayroon nang eight-game winning streak ay kabuuang 22-13 record.
Nag-ambag din ng 22 puntos at siyam na assists si Stephen Curry at 21 puntos si Klay Thompson para sa Golden State.
Lumamang pa ng 15 puntos ang Hawks sa fourth quarter bago humabol ang Warriors.
Si Pero Antic ay tumapos na may career-high 16 points para sa Atlanta. Inilagay si Antic sa starting unit ng Hawks bilang kapalit ni Al Horford na hindi na makapaglalaro pa sa season na ito dahil sa torn pectoral injury.
Clippers 119, Mavs 112
Sa Dallas, umiskor ng career-high 25 puntos si DeAndre Jordan para tapatan ang nagawa rin ni Blake Griffin para pangunahan ang Clippers.
Bagaman nanalo ang Los Angeles ay nagtamo naman ng injury sa balikat ang All-Star point guard na si Chris Paul na mawawala ng tatlo hanggang limang linggo.
Nagsanib sina Jordan at Griffin para makaiskor ng 10 puntos sa 16-2 rally ng Clippers sa huling apat ng minuto ng laban.
Bagaman may iniindang sprained left ankle injury si Dirk Nowitzki ay naglaro pa rin ito at tumapos taglay ang 24 puntos para sa Mavericks.
Si Paul ay umiskor ng 19 puntos sa first half bago nilisan ang laro sa third quarter.
Nuggets 111, Grizzlies 108
Sa Denver, umiskor ng 18 puntos si Ty Lawson kabilang ang isang three-pointer sa huling minuto ng laro para tulungan ang Denver na wakasan ang eight-game losing streak nito.
May 12 assists din si Lawson. Hindi naglaro kahapon si Andre Miller na pinatawan ng koponan ng two-game suspension matapos na makipagtalo kay Denver coach Brian Shaw noong Huwebes sa 102-114 kabiguan ng koponan laban sa Philadelphia 76ers.
Si Kenneth Faried at Timofey Mozgov ay parehong may 16 puntos para sa Denver. Nagdagdag naman ng 15 puntos si Nate Robinson kabilang ang siyam sa fourth quarter.
Ang Memphis ay pinangunahan nina Zach Randolph na may 25 puntos at 13 rebounds at Mike Conley na may 23 puntos at walong assists.
May tsansa sana ang Grizzlies na dalhin ang laro sa overtime ngunit nagmintis si Mike Miller sa kanyang game-tying 3-point attempt bago tumunog ang buzzer.
Lakers 110, Jazz 99
Sa Los Angeles, gumawa ng 23 puntos at 17 rebounds si Pau Gasol para sa kulang sa taong Lakers. Dahil sa may injury ang mga point guards na sina Steve Nash, Steve Blake at Jordan Farmar at maging ang All-Star leader nilang si Kobe Bryant ay napilitang ilagay ni coach Mike D’Antoni sa starting unit si Kendall Marshall.
Hindi naman siya hiniya ni Marshall na gumawa ng mga career-high 20 puntos at 15 assists sa 40 minutong paglalaro.
Nalamangan ng 21 puntos ng Lakers ang Jazz apat na minuto pa ang natitira sa third quarter nang makadikit sa apat ang Utah, 86-90, 4:47 na lang ang nalalabi sa laro.
Sinagot naman ito ng 16-9 run mula sa Lakers sa pamumuno nina Nick Young, Jodie Meeks at Marshall. Ang Utah ay pinangunahan ni Gordon Hayward na may 22 puntos sa laro.
Pelicans 95, Celtics 92
Sa Boston, gumawa ng 23 puntos at siyam na rebounds si Anthony Davis at si Tyreke Evans ay umiskor ng 16 puntos kabilang ang isang krusyal na basket sa endgame.
Nabahiran naman ng kamalasan ang panalong ito ng New Orleans dahil nagtamo ng injury si Ryan Anderson na binuhat papalabas sa court na naka-stretcher.
Ito ang ikaapat na panalo ng New Orleans sa anim na laro. Si Avery Bradley ay may 22 puntos para sa Boston.
Rockets 102, Knicks 100
Sa Houston, gumawa ng 37 puntos si James Harden at tumira ng dalawang free throws si Aaron Brooks para pangunahan ang Houston.
( Photo credit to INS )