SIMULA ngayong Enero, mababawasan ang iuuwing sweldo ng lahat ng mga manggagawa sa pribadong sektor dahil sa ipapatupad na pagtataas sa singil sa kontribusyon para sa Social Security System (SSS) at PhilHealth.
Mukhang hindi na talaga ito mapipigilan kahit pa kaliwa’t kanan ang ginagawang pagbatikos ng iba’t ibang labor groups.
Giit ng Palasyo, dumaan daw sa masusing pag-aaral ang gagawing pagtataas ng singil. At ayon sa mga tagapagsalita ng Malacanang ay kinakailangan ito upang mapatagal pa ang “buhay” ng dalawang ahensiyang ito, at upang sa ganon ay matustusan ang gastos ng mga miyembro nito.
Para sa mga miyembro ng SSS, tataas ng 0.6 porsyento ang kanilang monthly contribution o 11 porsyentong kaltas mula sa dating 10.4 porsyentong kaltas kada buwan. Depende naman sa income bracket ang pagpapataw ng increase sa kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth.
Kahit tutol ang mga manggagawa ay wala na ring magagawa ang mga ito dahil otomatiko ang pagkaltas sa SSS at PhilHealth contributions sa kanilang mga sweldo.
Habang nag-aabang ang mga mamamayan sa dagdag-pahirap na ito sa kanila, hindi pa rin nila makalimutan ang isyu tungkol sa mga miyembro ng board ng SSS at maging ng PhilHealth na tumanggap ng napakalaking bonus mula sa kontribusyon ng mga miyembro ng SSS.
Hindi ba’t todo depensa ang ginawa ng pamunuan ng dalawang ahensiya sa ipinamigay na bonus sa kanilang mga opisyal at empleyado. Umabot ng P200 milyon ang bonus na inilaan para sa mga opisyal at empleyado ng SSS, samantalang umabot naman ng P1 bilyon ang bonus at allowance ng mga taga-Philhealth gayong sinasabi nila na kailangan ang pagtataas para hindi maubos ang pondo ng SSS at PhilHealth?
Ang kapwa dahilan ng mga opisyal ng dalawang ahensiya at maging ng Malacanang ay incentive daw ito sa mga opisyal ng SSS at PhilHealth dahil sa maganda at maayos nilang pamamalakad. Hindi ba’t talagang dapat laging maging maayos ang pagpapatakbo nila sa mga ahensiyang ito dahil iyon ang trabaho nila? Bakit sila kailangan bigyan ng incentive sa dapat nilang ginagawa? At kung talagang sinasabi nilang maayos ang ginawa nilang pagpapatakbo sa mga tanggapang ito, bakit kailangang magtaas pa ng kontribusyon?
Harinawa magkaroon naman ng konting kahihiyan o delicadeza itong pamnuan ng SSS at PhilHealth na sa susunod ay wag na silang makapal ang mukha na bibiyayaan nila ang kanilang sarili ng bonus mula sa katas ng pawis at dugo ng mga miyembrong naghuhulog dito.
DA who naman itong opisyal ng Malacanang na pumalit sa pwesto ng kanyang boss matapos magbitiw ang huli epektibo noong Disyembre 31 na ngayon pa lang ay ginagawa na rin ang istilo ng dalawa pang opisyal ng Palasyo na ginagamit ang Twitter sa pang-aaway. Paano ba naman kinuyog ng tatlo ang isang reporter sa Twitter dahil lamang hindi ang pangalan ng kadikit na opisyal ang lumabas sa isang media outlet at bagkus ay ang isa pang opisyal na nasa kabilang grupo.
Ang nakakaloka pa nito, nakisali rin sa pagtu-tweet ang isa namang kadikit na mula sa isang NGO na laging nakikisawsaw sa mga isyu. Hindi naman gaanong halatang close ang mga ito dahil naglagay pa ng litrato sa Tweeter na magkakasama na kasama pa ang nagbitiw na opisyal. Gets nyo na ba ang mga tinutukoy ko?
May nais ba kayong ibanderang mga opisyal sa inyong mga barangay, lungsod, bayan o probinsiya? O baka naman ang mga pulis sa inyo ay mga pasaway, i-bandera na rin natin sila nang madala. I-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.