Mga Laro Ngayon (Mall of Asia Arena) 3:30 p.m. Talk ‘N Text vs Alaska Milk 5:45 p.m. Meralco vs Air21 Team Standings: Barangay Ginebra (9-1), Petron Blaze (8-2), Rain or Shine (7-3), Talk ‘N Text (6-3), Alaska Milk (4-6), Globalport (4-6), Barako Bull (4-7), Meralco (3-7), SanMig Coffee (3-7), Air21 (2-8)
SISIKAPIN ng defending champion Talk ‘N Text na makabangon sa pagkatalong sinapit bago nagtapos ang nakaraang taon sa pamamagitan ng pag-ulit sa Alaska Milk sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamamayang alas-3:30 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa ikalawang laro sa ganap na alas-5:45 ng hapon ay hangad ng Meralco na mapatid ang four-game losing skid kontra nangungulelat na Air21.
Ang Tropang texters ay bumagsak sa ikaapat na puwesto sa kartang 6-4 matapos na matalo sa Petron Blaze, 105-91, noong Disyembre 28.
Nais nilang makaulit sa Aces na naungusan nila sa overtime, 114-111, sa una nilang pagtatagpo noong Nobyembre 28.
Subalit hindi ito magiging madali dahil sa tumaas ang morale ng Aces matapos na manalo sila sa SanMig Coffee Mixers , 88-75, noong Disyembre 27 para sa 4-6 record.
Nais ng Tropang Texters na manatili sa Top Four hanggang sa katapusan ng elimination round upang magkaroon ng twice-to-beat na bentahe sa quarterfinals. Naghahabol naman ang Aces.
Ang Talk ‘N Text ay pinamumunuan nina Kelly Williams, Jimmy Alapag, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo at Larry Fonacier. Makakatunggali nila sina Cyrus Baguio, Sonny Thoss, JVee Casio, Dondon Hontiveros at Calvin Abueva.
Matapos na magtala ng 3-3 kartada sa simula ng torneo, ang Meralco ay biglang sumasad nang makalasap ng apat na sunod na pagkatalo buhat sa Petron Blaze (77-73), Alaska Milk (91-82), Barako Bull (99-86) at league-leader Barangay Ginebra (83-82). Ang Bolts ay kasama ng Mixers sa ikawalong puwesto sa record na 3-7.
Ang pagkatalo sa Gin Kings ay lubhang masakit dahil sa nakalamang ang Meralco ng limang puntos sa huling 15 segundo. Nasilat sila matapos ang back-to-back three-point shots nina Jay-R Reyes at Japeth Aguilar.
Bagamat nasa dulo ng standings ang Air21 sa record na 2-8 ay galing naman ang Express sa 109-103 overtime na panalo kontra Globalport noong araw ng Pasko.
Hangad ng Express na makabawi sa Bolts na tumalo sa kanila, 112-79, noong Nobyembre 27.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
