PITO katao ang nasawi habang di bababa sa walo ang nasugatan sa dalawang aksidente sa iisang bahagi ng National Highway sa Nasugbu, Batangas, kamakalawa.
Nasawi sa unang aksidente ang truck driver na si Rowel Santos at mga pahinante niyang sina Alvino Gulila at LJ Gulila, pawang mga residente ng Porac, Pampanga, sabi ni Senior Insp. Dwight Fonte, tagapagsalita ng Batangas provincial police.
Minamaneho ni Santos patungong Calaca ang 16-wheeler truck (RNB-881) na may kargang buhangin nang mawalan umano ng kontrol sa manibela, kaya sumalpok sa isang poste ng kuryente, ani Fonte.
Naganap ang aksidente alas-2:50 ng umaga sa kurbadang bahagi ng highway sa Sitio Bayabasan, Brgy. Aga. Dead on the spot ang dalawang pahinante.
Si Santos naman ay binawian ng buhay habang hinuhugot ng mga awtoridad at volunteers mula sa pagkakaipit sa trak.
Bandang alas-3:30 naman ng hapon, doon din sa bahagi ng highway sa Brgy. Aga, apat katao ang namatay at walo ang naitalang sugatan sa isa pang aksidenteng kinasangkutan ng isa ring malaking trak at anim pang sasakyan.
Patay ang driver ng trailer truck na si Christopher de Leon, pahinante niyang si Charlie Bayani, at si Celedonio Kasilag, driver ng Toyota Hi-Ace (VFH-386) na nawasak matapos makasalpukan ng trak, sabi ni PO1 Brian Birain, imbestigador ng Nasugbu Police.
Mayroong pang isang di narerekober na pahinante habang isinusulat ang istoryang ito dahil naipit sa mabibigat na bakal na karga ng trak.
“‘Yung trak po ay may dalang apat na counter-weight, tig-5 tons po ang bawat isa noon kaya hindi pa mabuhat. Nahulog doon sa ulo ng trak at ‘yung Hi-Ace po ay nagkayupi-yupi,” ani Birain.
Bukod sa Hi-Ace, nadisgrasya rin ng trailer truck ang isang Ford Expedition (UGO-772), Ford Ranger (POI-518), Isuzu dump truck, Mitsubishi Canter, at tricycle, kung saan walo katao ang nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Dinala ang mga sugatan sa iba-ibang ospital, ayon kay Birain.