Japeth nagbida sa panalo ng Ginebra

Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. Globalport vs Barako Bull
5:15 p.m. SanMig Coffee vs Rain or Shine

TUMIRA ng game-winning 3-pointer si Japeth Aguilar may 0.1 segundo ang nalalabi sa laro para buhatin ang Barangay Ginebra San Miguel Kings sa 83-82 panalo laban sa Meralco Bolts sa kanilang 2013-14 PLDT myDSL PBA Philippine Cup game kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Kinamada ni Aguilar, na nagtala ng 15 puntos, 11 rebounds at 4 blocks, ang pito sa huling 10 puntos ng Gin Kings para mabawian nila ang Bolts, na tinambakan sila, 100-87, noong Disyembre 3.

Ito naman ang ikalawang game-winning triple ni Aguilar na hinatid din ang Barangay Ginebra sa dikit na panalo kontra Talk ‘N Text Tropang Texters, 97-95, noong Disyembre 8.

Bunga ng pagwawagi, umangat ang Barangay Ginebra sa 9-1 kartada para manatiling nagsosolo sa itaas ng team standings at mauwi ang ikaanim na sunod na panalo.

Nahulog naman ang Meralco sa 3-7 karta matapos malasap ang ikaapat na sunod na pagkatalo. Samantala, pilit na pananatiliin ng Rain or Shine ang puwesto nito sa Top Four sa pamamagitan ng pag-ulit sa SanMig Coffee mamayang alas-5:15 ng hapon sa Mall of Asia Arena.

Sa unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon ay  tatangkain ng Globalport na makabalik sa win column laban sa Barako Bull.
Ang Elasto Painters ay may 6-3 karta matapos ang back-to-back na panalo.

Pinatid nila ang seven-game winning streak ng Petron Blaze, 99-95, noong Disyembre 21. Noong Biyernes ay tinalo naman nila ang Barako Bull, 99-95.

Sa kanilang unang pagkikita noong Disyembre 6 ay naungusan ng Rain or Shine ang SanMig Coffee, 86-83. Ang Elasto Painters ay pinamumunuan ni Jeff Chan na nagtala ng 34 puntos laban sa Energy.

Siya ay sinusuportahan nina Gabe Norwood, Jervy Cruz, JR Quinahan at Paul Lee. Hindi pa rin makapaglalaro para sa Rain or Shine si Beau Belga na mayroong tigdas.

Nagwakas ang two-game winning streak ng SanMig Coffee nang ito’y payukuin ng Alaska Milk, 88-75. Dahil dito ay bumagsak ang Mixers sa 3-6 kartada.

Gaya ng Elasto Painters ay may isang big man ang Mixers na hindi makapaglalaro. Si Marc Pingris ay binabagabag ng namamagang tuhod.

Ang SanMig Coffee ay sumasandig kina two-time Most Valuable Player James Yap, Peter June Smon, Joe Devance, Mark Barroca at rookie Ian Sangalang.

Matapos ang kauna-unahang three-game wining streak sa kasaysayan ng prangkisa, ang Globalport ay nakalasap ng magkasunod na kabiguan buhat sa SanMig Coffee 83-80) at Air21 (109-103) para sa 4-5 karta.

Ngayo’y hawak ni coach Ritchie Tizon, ang Globalport ay pinamumunuan nina Solomon Mercado, Jay Washington at mga rookies na sina Terrence Romeo at RR Garcia.

Ang Barako Bull ay nasa ikasiyam na puwesto sa kartang 3-7. Si coach Bong Ramos ay umaasa kina Willie Miller, Ronjay Buenafe, Rico Maierhofer, Dorian Peña at Mick Pennisi.

( Photo credit to PBA Press )

Read more...