Nakatutok ngayon si Willie Revillame sa ipinatatayo niyang hotel sa Tagaytay. Ang unang napili nilang pangalan ng hotel ay Wil On Top, dahil literal na nakatayo ‘yun sa ituktok ng bundok, kitang-kita ang view ng Laguna de Bay at ang buong kapatagan mula du’n.
Pero meron pa silang mga pinagpipiliang pangalan ngayon, malalaman namin mula kay Willie isang araw kung ano na ba talaga ang magiging pangalan ng kanyang bonggang-bonggang hotel, kitang-kita na ‘yun mula sa may rotonda pa lang dahil sa sobrang taas ng lugar.
“Kapag nagpapagawa ako ng bahay, kailangang nakabantay ako sa pagpupundasyon, gusto ko kasing malaman kung gaano kaayos ang trabaho.
Ganu’n din ang ginawa ko sa Wil Tower Mall at sa Twin Towers namin ni Sen. Manny Villar, nakabantay rin ako nu’ng naghuhukay pa lang sila.
“‘Yun din ang ginagawa ko ngayon sa Tagaytay, kailangang nakikita ko ang paghuhukay, pagbubuhos, lahat ng may kinalaman sa foundation ng building. Hands on talaga ako pagdating du’n,” kuwento ni Willie.
Maaga siyang natuto kung saan ilalagay ang mga pinaghihirapan niya, kung dati’y puro sa magagarang sasakyan napupunta ang kanyang kinikita, ngayon ay puro negosyo naman ang kanyang tinututukan.
“‘Yun ang maganda kapag mga negosyante ang palagi mong nakakasama, natututo ka sa kanila, nalalaman mo ang kahalagahan ng mga pinaghihirapan mo.
Hindi naman ako ‘yung tipong puro pera na lang ang inaatupag, naglilibang din naman ako, pero alam ko kung kailan ako magsisimula at kung kailan ako hihinto,” sabi pa ni Willie Revillame na may kinalaman sa napapabalitang madalas niyang pagka-casino.
( Photo credit to Google )