PRESENT si Judy Ann Santos nu’ng ni-launch ang coffee table book ng Eat Bulaga! na pinamagatang “Ang Unang Tatlong Dekada.” Isa sa mga hosts ng Eat Bulaga ang mister ni Juday na si Ryan Agoncillo. Pagkatapos ng formal launching ay nag-tsikahan na ang lahat sa loob ng venue na ginanap sa Whitespace sa Pasong Tamo, Makati City.
Isa sa mga nakausap ng BANDERA that night si Judy Ann. Narito ang kabuuan ng naganap na one-on-one interbyu:
BANDERA: Hanggang kailan pa ang cooking show mo sa ABS-CBN, ang Junior Master Chef?
JUDY ANN SANTOS: Malamang hanggang next year pa ‘yan. Kasi ano lang, e, twice a week lang kami. Ang daming challenges ng mga bata. We have 20 kids. So, mag-e-elimintae ka riyan ng isa-isa. So, kung kakalkulahin mo lahat aabot ka talaga ng next year.
B: Marami na raw kayong na-tape na episode for Junior Maste Chef. May plano ka bang magbakasyon abroad?
JAS: Hindi pa, may ginagawa kaming pelikula. Saka ano muna, tipid-tipid muna. E, siyempre, nag-birthday si Lucho (ang firstborn niya), birthday ni Yohan, Pasko, ‘di ba?Nu’ng birthday mismo ni Lucho nag-mass lang kami sa bahay. Ganu’n lang palagi, may simple mass sa bahay.
Tapos konting, every year,every month naman kapag tumatapat ng seven palagi kaming may level something for Lucho to thank God for giving him another month, ‘yung ganu’n. ‘Yung sobra siyang healthy, thank you Lord.
Hindi naman bonggang-bongga ang birthday ni Lucho pero may effort, kasi doon ko nakita na maganda pala na bini-video ang mga party. Kasi si Yohan na-appreciate niya ‘yung first birthday niya nitong ano na lang, nu’ng nakita niya ‘yung DVD ng party niya. Nakita niya kung gaano karami ‘yung nagpunta, kung gaano kaganda ‘yung party niya.
It doesn’t have to be very expensive naman, e. Pero ‘yung effort, ‘yun ‘yung bulag sa mata ng bata, e. So, ‘yun lang. Para kung sobrang naa-appreciate ni Yohan ‘yun hanggang ngayon.
B: Kanino mas close si Lucho, sa ‘yo o kay Ryan?
JAS: Pareho. Kapag nandiyan si Daddy, kay Daddy. Palit-palit siya, e. Kapag nandiyan kaming dalawa, literal, as in wala pang isang minuto lilipat siya kay Ryan. Palipat-lipat lang siya. ‘Yung parang feeling ko ninanamnam lang niya kapag magkakasama kaming tatlo, o kaming apat, ‘yung ganyan.
B: Ano ang first gift mo kay Lucho?
JAS: Hindi pa namin muna maisip. Sa totoo lang. Kasi ‘di ba nga ano ba naman ang maireregalo mo for one year old? Pero at the same time kahit nag-one year old na ang anak ninyo meron kang something na gustong ibigay na eventually pwede niyang gamitin. Pero ano ‘yun?
So, hanggang ngayon nag-iisip pa rin kami. Kasi nu’ng kay Yohan, wala naman akong binigay na regalo. Kasi alam ko ‘yun na ‘yun, e. Hindi naman niya maiintindihan ‘yan kahit magkaisip siya at the age of 15.
Hindi niya malalaman na, ‘A, ano ‘to, first birthday gift to sa akin ni mommy. Hindi niya alam ‘yung relevance noon. Pero sa mga magulang may dating ‘yun. Pero ngayon wala pa kaming maisip.
B: May chance ba na pumasok si Yohan sa Going Bulilit?
JAS: Wala. Ano muna, studies muna. As it is medyo hirap na nga siya sa big school, e, buong araw na siya sa school. Tapos ang aga niyang gumigising. ‘Tsaka pumayat, tapos bungi na rin siya.
Nagpapalit na ng ngipin. Tsaka, ngayon gusto naming ipakita sa kanya na commercials and guestings, you only do it on summer breaks or sem break.
B: Next month nakatakda na ring magsilang ang kaibigan mong si Regine Veleasquez. Paano kung kunin kang ninang ni Regine sa firstborn nila ni Ogie Alcasid?
JAS: Oo naman. Walang problema. Ino-offer ko na nga ‘yung sarili ko na mag-cater sa kanila. Ewan ko kung nakarating na sa kanila ‘yung invitation ko.
Alam mo isang natutunan ko nu’ng buntis ako, importante, ha, most of the things na binibigay tuwing baby shower is always for the baby. But never something for the mom.
Naisip ko rin na parang if mabibigyan ka ng something sa mga anak, sa mommy, ‘yung magagamit niya sa oras nu’ng manganganak na mismo siya. Kasi ako nu’ng nanganak ako, doon ko na-appreciate na, magagamit mo pala talaga ‘yung sanitary pads.
‘Yung simple things na nakakatawa pero ‘yun ‘yung mga things na importante. At saka ilang araw ako sa ospital, mag-iisang linggo. So, ang pinakatulong na mabibigay mo talaga sa mga babaeng magde-deliver is ‘yung the things na hindi na nila bibilhin sa ospital para medyo makabawas sa expenses.
B: Ilang buwan ka rin bang nag-breastfeed?
JAS: Mga four months din, hindi ako nahirapan. Nagustuhan ko nga, e. I mean, para kasi sa akin ‘yung breast feeding ‘yun ‘yung parang bonding moments ninyo nu’ng bagets, e.
‘Yun ‘yung time mo na matitigan mo siya, na makapagnilay-nilay ka na may anak ka na, lumabas sa ‘yo? Totoo ba ‘to na may taong lumabas sa akin? Na binuo, ‘yung mga ganu’n.
Hanggang ngayon may ganu’n ako na kapag pinapatulog ko si Lucho, may ganu’n ako na parang, ‘Wow, may anak ako!’ Amazed na amazed pa rin ako.
B: May possibility bang mabuntis ka uli agad-agad?
JAS: Hindi naman nakakapagtaka ‘yun! Chos! Pero may mga pag-iingat din naman sa aming dalawa.
B: Nagpi-pills ka ba? May ginagawa ka ba para hindi mabuntis agad?
JAS: Hindi. Wala talaga. Basta bahala na si Lord, ganu’n na lang.
B: Nagkita na kayo ni Daiana Meneses na nali-link kay Ryan.
JAS: Matagal na kaming nagkikita ni Daiana.
B: Okey na kayo?
JAS: Wala namang isyu. Sila lang naman ang nagsasabi na may isyu. Walang ilangan sa kahit na kaninumang nali-link kay Rye. Saka tapos na ‘yan, ano ba? May iba pa bang nali-link? Tsaka ganu’n ‘yun, e.
Parang hindi ata buo ang istorya ng buhay mag-asawa na nasa show business kung hindi mali-link ang isa sa mga couple. Hindi ata nawawala ‘yun. Parang hindi kumpleto kung hindi ka itsitsismis na may third party.
B: Pero nagulat ka ba nu’ng magsalita si Daiana about Ryan?
JAS: Hindi, alam mo naman ako, wala naman akong care. I mean, hindi naman dahil ibig sabihin wala akong care kundi dahil naniniwala talaga ako sa asawa ko. Tsaka kawawa naman ‘yung tao, e.
Magkaibigan lang naman sila na binibigyan lang ng ibang kulay and at the same time hina-hassle siya ng mga ibang tao.
Hayaan n’yo na, kawawa naman. Nagtatrabaho lang naman ‘yung tao and huwag masyadong madumi ang isip, ‘di ba? Huwag ng ganu’n. Huwag na tayong magbigay ng room for those things, tapos na ‘yan.