Mexico drug cartel

NAKABABAHALA ang pahayag ni National Police chief Director General Alan Purisima na isang drug cartel ng Mexico ang kumikilos na sa bansa pagkatapos masamsam ang P420 milyon shabu sa rancho ni dating Batangas Gov. Antonio Leviste sa Barangay Inosluban, Lipa City. Sa Mexico, marami ang drug cartel at mas marami ring politiko’t pulis ang protektor ng mga ito kaya nakikialam na ang Central Inteligence Agency para sugpuin ito, dahil ang droga ay ipinupuslit sa Amerika para mabang-aw ang maraming Kano. Sa Barangay Bagong Silang, Caloocan, matagal nang may cartel ng droga.

Hindi masisisi ang sinumang mayor na di nalansag ang cartel, dahil ganyan din ang nangyayari sa bayan-bayan sa Mexico. Para masugpo ito, ang kailangan ay political will ng presidente, katuwang ang PNP at Armed Forces. Pero, imposibleng mangyari ito. Matagal nang walang political will si Pangulong Aquino kontra droga. Mismong sa PDEA ay halos magbarilan ang mga ahente hinggil sa sigalot ng partihan. Bakit ang drug cartel sa Mindanao ay hindi kayang lansagin ng PNP at AFP?

Wala raw masamang dugo ang Ikalawang Aquino kay Gloria Arroyo, ani Herminio Coloma. Lokohan ng lelang na naman ito.

Wala pang kuryente sa Mercedes, Samar, ayon sa ating Texter. Inamin din ni Energy Secretary Carlos Petilla na wala pang kuryente sa Mercedes. Nangako si Petilla na magbibitiw siya sa puwesto kapag hindi pa napadadaluyan ng kuryente ang mga binagyo sa bisperas ng Pasko.

Usapang lalaki, magbitiw ka, Petilla. Lagyan mo ng “irrevocable” ang iyong resignation. Ang tunay na lalaki ay naninindigan sa kanyang salita at hindi nababakla (hindi turan ang syoke ng salitang nababakla, na ang ibig sabihin ay umuurong o lumalambot sa paninindigan).

Kung padadaluyan ni Petilla ng kuryente ang Mercedes, itayo sana muna niya ang tumbang mga poste.

Teka, baka magkaturuan sa problema ng tumbang poste. Baka ituro ito na gawain ng rehab czar; at ituro naman sa DOE na trabaho nila ito. Kasi ang ibang mga bahay sa Samar at Leyte, ayon sa ating mga texter, ay wala pang bubong kaya hindi puwedeng padaluyan ng kuryente. Pero, ang mga may-ari ng mga bahay na wala pang bubong ay umaasa sa rehab czar para bigyan sila ng sim (ang tawag nila sa bubong na yero). At hanggang kahapon ay hindi pa sila binibigyan ng sim.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Gusto naming iparating kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang pangongotong ng PNP Highway Patrol Group dito sa Toril. Araw at gabi ang operation nila. nagpapahirap sa taumbayan. Malalaki na nga ang mga tiyan nila dahil sa kasibaan. Pinapara nila ang mga trak. Gilbert, Davao City …8288

Ngayon po ay may kuryente na dito sa Abuyog, Leyte. Natuloy din ang Pasko namin kahit sinagupa kami ng salbaheng Yolanda. Jun Pensona

Sa kabila ng aming karalitaan at payak na pamumuhay, binabati namin ang buong Tropang Bandera ng Meri Xmas. Tagasubaybay po ninyo kami. …1741

Dito sa Mercedes, Samar, hindi lahat ay nabigyan ng relip. Kalaban kami sa politika ng barangay chairman, pero mabuti na lang at naawa sa amin ang aming kapitbahay at binigyan kami ng Lucky Me at dalawang lata ng sardinas. Iyon ang noche buena namin. Para makapag-text sa inyo ay dumayo pa ako sa kabilang bayan. …5633

Pinabayaan na talaga ng gobyerno sa Maynila ang mga bitktima nina Sendong at Pablo sa Mindanao. Kunwari ay dadalaw-dalaw pa sila sa Compostela Valley. Huwag na sana silang magkunwari at asikasuhin na lang kami. …4563.

Read more...