Bimby, Ryzza bagong Box-office King & Queen; Kris nagpasalamat kina Tita Cory at Ninoy
TINALO ng “My Little Bossings” ang “Girl Boy Bakla Tomboy” sa unang araw ng 39th MMFF.
Ayon mismo kay MMDA Chairman Francis Tolentino, nangunguna ang pelikula nina Vic Sotto, Ryzza Mae Dizon at Bimby Aquino Yap sa takilya at pumangalawa naman ang entry ni Vice Ganda. Base naman sa nakuha naming figures ay nagtala ang “MLB” noong Miyerkules ng P50,427,694 na palabas sa 153 sinehan sa buong bansa, nasa 58 sa Metro Manila at 95 naman sa probinsiya.
Sabi sa amin ni Kris Aquino, “Record breaker, Regs! Sina Bimby at Ryzza Mae beat ‘Sisterakas’ on opening day!”
Nakapagtala ang “Sisterakas” nina Ai Ai delas Alas, Vice at Kris noong nakaraang taon ng P41 million kaya nakatitiyak ng sina Ryzza at Bimby na ang tatanghaling box-office King and Queen sa Guillermo Mendoza Memorial Foundation next year.
Noong opening day din ng “MLB” nanood ang Pangulong Noynoy Aquino bilang suporta niya sa kanyang pamangking si Bimby.
Kasabay nito, bumisita rin si Kris kasama sina Bimby at Joshua sa libingan nina former President Cory Aquino at dating senador Ninoy Aquino.
Sa kanyang Instagram account, sinabi ni Kris na, “Every Christmas, after watching my MMFF entry, visiting Mom & Dad has been my ritual…This Christmas, we had to come to share w/ Mom our gratitude for Bimb’s success!!! Bilang Nanay naguumapaw ang pasasalamat ko sa binigay nyong suporta kay Bimb & @ryzzamaechacha!”
Samantala, pumangatlo ang “Pagpag” nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo at pang-apat naman ang “Kimmy Dora: Ang Kyemeng Prequel” nina Eugene Domingo at Sam Milby.
Panglima ang “10,000 Hours” ni Robin Padilla, pang-anim ang “Shoot To Kill: Boy Golden” nina KC Concepcion at Laguna Gov. ER Ejercito, pampito ang “Kaleidoscope World” nina Yassi Pressman at Sef Cayadona at pangwalo ang “Pedro Calungsod” ni Rocco Nacino.
Sa Gateway, palabas sa dalawang sinehan ang “My Little Bossings”. Isa kami sa nakipila noong Miyerkules at soldout na ang “My Little Bossings” sa dalawang screening nito sa Gateway cinema 5 at 6 at bandang alas-5 ng hapon ay soldout na rin ang last full show.
Alas-3 ng hapon kami pumila kasama ang anak naming si Patchot at nakabili kami ng ticket ng alas-5 na at pang last full show pa (9:20 p.m.) ang nakuha namin.
Nag-soldout naman ang “Girl Boy Bakla Tomboy” bandang alas-5 rin sa cinema 7 at alas-7 naman ng gabi nag-soldout ang Gold Platinum Cinema. Alas-5 rin ng hapon nag-soldout ang “Kimmy Dora” hanggang sa last full show na.
Nagkaroon naman ng block screening ang “Pagpag” courtesy of KathNiel fans sa cinema 9, kaya pala may naka-set up na TV camera dahil darating daw sina Kathryn Ber-nardo at Daniel Padilla.
Nabalitaan namin na soldout ang “Kimmy Dora” sa Trinoma at Rockwell bandang hapon noong Miyerkules at base sa tsika ng ilang theater executives, malakas sa gabi ang pelikula nina Eugene at Sam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.