MARAMING supporters si Vice President Jojo Binay na nawalan ng gana sa kanya dahil sa pagkampi niya sa kanyang anak na abusado.
VP Jojo should kiss the presidency goodbye in 2014 dahil nilantad ng pamilya Binay ang kanilang pagiging abusado.
Sinabi ni VP Binay na dapat ay binigyan ng mga guwardiya ng Dasmariñas Village ng “kaunting paggalang” si Makati Mayor Junjun Binay sa insidente sa nasabing village.
Ayaw kasing paraanin ng mga sekyu sa Banyan gate si Mayor Junjun dahil di pinagagamit ang nasabing gate kapag nakalipas na ng alas-10 ng gabi.
Dahil sa ginawa ng mga guwardiya sa kanya, pinaaresto ni Junjun at ni Sen. Nancy Binay ang mga guwardiya at pinakulong ng apat na oras.
“A little courtesy please to the mayor,” sabi ni VP Jojo.
Dapat ay sumunod sa patakaran si Mayor Junjun at Senator Nancy sa patakaran ng village na “No VIP” policy.
Kahit sinong VIP na residente ng Dasmariñas Village ay sumusunod sa mga patakaran nito.
Bakit kinakailangan pang ipakulong ni Mayor ang mga guwardiya na tumutupad lang ng kanilang tungkulin?
Sino ba ang mga Binay na ayaw sumunod sa patakaran ng private subdivision?
Kahit ba siya ang hari ng Makati, ang Dasmariñas ay isang pribadong lugar at dapat igalang ni Mayor Junjun ang mga
alituntunin nito.
Huwag kayong maniwala doon sa depensa ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na may karapatan ang mayor, bilang ama ng lungsod, sa mga private subdivision.
Asus, si Gatchalian, pinakikita na isa rin siyang abusado!
Ibig bang sabihin na dahil ang ama ay hari ng tahanan ay puwede siyang pumasok anytime sa silid ng kanyang anak na dalaga kahit na nakahubad ito dahil ama naman siya?
Estupido ka, Mayor Gatchalian!
“Ganoon pala siya, pakitang-tao lang ang pagmamalasakit niya sa mga mahihirap,” sabi ng isang vendor na nakausap ko.
Lumabas daw ang tunay na pagkatao ng mga Binay sa Dasmariñas incident, sabi ng isang janitor sa kumpanya kung saan ako nagtatrabaho.
“Kung abusado ang mga Binay ngayon, ano pa kaya kung naging presidente si Jejomar?” sabi ng isang elevator girl.
Sukdulang pang-aapi ang ginawa ni Junjun at Nancy Binay sa mga guwardiya na pinahuli nila sa mga pulis-Makati at ikinulong ng apat na oras.
Ang mga guwardiya ay mga mahihirap na tao.
Ang mahihirap o masa ang nagluklok sa mga Binay sa kani-kanilang puwesto.
Ang masa rin ang magpapabagsak sa mag-aama.
Baka naman nakalimutan na nina Junjun at Nancy na nanggaling sa mahirap ang kanilang amang si VP Jojo.
Lumaki si Jojo Binay sa Culi-Culi, isang red light district sa boundary ng Makati at Pasay.
Dahil sa kahirapan ay naghuhugas ang batang si Jojo ng mga orinola ng mga babaeng mababa ang lipad sa Culi-Culi.