Willie: Kahit saang network ako mapunta, para pa rin sa mga kababayan natin ang gagawin ko!


Libu-libong kababayan natin sa Leyte ang binigyan ng maagang pamasko ni Willie Revillame. Sa panahon na ang mga Leyteanon ay halos hindi alam kung paano sila muling babangon ay dumating sa kanilang lugar si Willie, dala-dala ang mga kaibigan para pasayahin ang mga biniktima du’n ng bagyong Yolanda.

Bukod sa entertainment ay namahagi rin ng mga regalo ang grupo ni Willie, nagpalaro rin sila na libu-libo ang pinanalunan ng mga kalahok, meron ding tulong na pampinansiyal na ibinigay ang aktor-TV host sa lokal na pamahalaan ng Tacloban.

“Nu’ng makita ko na ang ngiti sa mga labi ng mga tagaroon, okey na ako, parang isang malaking success na sa akin ‘yun, dahil ang talaga namang reason kung bakit gusto ko silang makasama, e, ang mapasaya sila kahit pansamantala lang.

Nakita ko ‘yun, kaya masaya na ako,” balita sa amin ni Willie. Sa kanyang magarang bahay sa Tagaytay nagdiwang ng Pasko si Willie, kasama niya du’n ang kanyang mga kaibigan, mga katrabaho at iba pang mga kasamahan sa showbiz.

Ilang araw na lang at Bagong Taon na, maraming kababayan natin ang nagtatanong kung saang network ba siya mapapanood sa 2014, isang tanong na blangko pa ring sagot ang laman kapag tinanong mo si Willie.

“Wala pa akong maisasagot du’n, wala pa naman kasing offer na dumarating sa akin. Pero kahit saang channel ako mapunta, ang isang sigurado du’n, e, para sa mga kababayan pa rin natin ang lahat-lahat ng gagawin ng ating show.

“Lagi namang para sa kanila ang mga ginagawa ko, sila muna, bago ako, dahil sila ang dahilan kung bakit ako inspired na magtrabaho,” positibong pagtatapos ni Willie Revillame.

( Photo credit to Google )

Read more...