Charice ayaw bastusin ang ina, nababantayan ang dila


Sa kabila naman ng hindi nila pagkakaunawaan ng kanyang ina ay nananatiling marespeto at cool lang ang international singer na si Charice Pempengco.

Naglalabas din siya ng kanyang saloobin sa hindi nila pagkakaintindihan ni Aling Raquel, pero ginagawa niya ‘yun sa paraang hindi niya binabastos nang lantaran ang kanyang ina, ‘yun ang dahilan kung bakit maraming pumupuri kay Charice.

Marami nang namagitan sa mag-ina, matindi ang pagsalungat ni Aling Raquel sa pagkakaroon ng kabarong karelasyon ng kanyang anak, pero sa kabila nu’n ay marespeto pa rin si Charice sa kanyang ina.

Kahit ano pa ang sabihin ng kanyang nanay ay naninindigan si Charice na isang araw ay darating din ang pagkakataong magkikita sila sa gitna ng katwiran ng kanyang mommy, magkakasundo sila, at pagtatawanan na lang nila nang sama-sama ang mga pinagdaanan nila.

Naglantad ng kanyang tunay na kasarian si Charice, kumontra ang kanyang ina, pero pagkatapos ng kanilang pagbibigay ng katwiran tungkol sa desisyong magpakatotoo ni Charice ay hanggang du’n na lang muna ‘yun.

Nitong huli na lang uli nabuhay ang kontrobersiya nang sabihin ng lolang nagpalaki sa international singer na ibinenta na ng kanyang mommy ang bahay niya sa Tagaytay.

Inamin ‘yun ni Aling Raquel sa Showbiz Police, kailangan na raw talaga nitong ibenta ang bahay dahil wala na itong pinagkukunan ng biyaya, walang kahit anong naging sagot du’n si Charice.

Kontrolado pa rin ni Charice ang kanyang emosyon, narerendahan pa rin niya ang kanyang dila, isang magandang katangian na puwede niyang sandalan habambuhay. Sa totoo lang.

( Photo credit to Google )

Read more...