KAPAG pamatay ang trapik, at ngayon lang nangyari ito sa paghahari pa ng Ikalawang Aquino, ang ibig sabihin niyan ay pinapatay na ng gobyerno ang taumbayan, hindi tuwiran, kundi dahan-dahan, hindi biglaan, kundi’y painut-inot, hindi agad pero ganoon din naman ang patutunguhan.
Talagang sanay sa mga bagay na pamatay sa arawang obrero ang gobyernong dilaw. Ang dahan-dahang pagpatay ay hindi mararamdaman ng sumusuweldo ng mataas sa minimum wage, pero ramdam na ramdam ito ng arawang obrero at “mangangalakal,” ang nangangalkal sa bunton ng mga basura para may maibili lang ng nakaplastik na kaninbaw (kanin at sabaw ng baka, baboy, o isda, na binudburan ng konting pinong paminta at nilakipan ng siling labuyo at kalahating kutsarita ng patis o toyo o suka, depende sa gusto’t panlasa).
Sa pamatay na trapik, maiinis ang mga nakasakay sa sasakyan at mas lalong mag-iinit ang ulo ng tsuper (base sa pag-aaral, mas madaling mag-init ang ulo ng pribadong driver dahil binabarako siya, ginigitgit, sinisingitan, inuunahan, dinadaan sa laki ng sasakyan ng pampublikong driver).
Sa Ingles ay may tinatawag na stress, ang naggagatong para tumaas ang presyon, na ang sukdulan ay atake sa puso. Ang stress ay nag-uudyok sa isipan at damdamin para magalit.
Kung ang pasahero ay obrero o kawani, sira na ang kanyang umaga dahil pagdating sa trabaho o opisina, may kasalanan na naman siya, at kung nagkasusun-suson na ang kanyang “late,” maaari na siyang masibak.
Kung ang pribadong driver o pasahero ay naghahabol ng 8:30 na simula ng bista, ang pangambang magbaba ng mandamyento de aresto ang hukom ay magkakatoo dahil ang dahilang legal ay hindi nakarating at dumalo sa bista ang akusado.
At kung siya ay complainant, talo na kaso. Kung ang pasahero o driver ay kumukulo ang tiyan nang dahil na kinain o ininom kagabi, patay kang bata ka.
Simple, at madali lang, ang ginagawa ng gobyerno, na pinasusuweldo ng arawang obrero sa kabila ng hayagang ninanakawan at niloloko pa nito ang bumubuyhay sa kanila.
Huwag tumindig sa mga kanto dahil dalawang araw na lang ay Pasko na at kailangang mamasko at makarami, unahin ang pamamasko saka na ang nagyayaot na publiko.
Tutal, ang matataas na opisyal ay sanay at dalubhasa sa noynoying at pinairal nga ito sa bagyong Yolanda, na imbes na makatulong ay pinilit pa ang alkalde na lagdaan ang dokumentong nagsasaad na di na niya kayang ibangon ang kanyang bayan (ngayon lamang nangyari ang ganitong ka-arogante).
Huwag nang rumesponde sa tawag na matrapik dahil hindi naman makararating ang responde dahil matrapik nga. Huwag nang rumesponde sa tawag na matrapik, tutal, bumubuhos naman ang malas na ulan at bumabaha pa kaya pasensiya na ang inabutan ng malakas na buhos ng ulan at baha dahil ganyan din naman ang nangyari noong Ondoy at habagat.
Sa madaling salita, huwag sisihin ang traffic enforcer dahil ang dapat sisihin ay ang panahon. Mabuti na lamang at meron pang mga huwes sa Quezon City Regional Trial Court, Pasig City Regional Trial Court, Makati Regional Trial Court at Malabon Regional Trial Court na naghusga na hindi puwedeng ikatuwiran ang mabigat na daloy ng trapiko para hindi dumalo sa bista o para lumiban sa bista (bukod sa gasgas na dahilan ng LBM).
Talagang malala na ang kabobohan ng mga opisyal sa gobyerno. Bilang patunay ng kabobohan ng mga opisyal sa gobyernong hepa, mantakin na matuwa pa sila dahil ang mabigat na daloy ng trapiko raw ay tanda na maraming pera ang taumbayan kaya’t sila’y nasa kalye, patungo sa mall o patungo sa sabungan (derby sa Araneta, kapag mga bilyonaryo).
Hindi lahat ng nangingitlog sa trapiko ay patungo sa mall at sabungan. Napakaraming mall sa Metro Manila at sa ilang lugar at magkakatabi’t magkakatapat lang sila.
Para sa kabatiran ng mga bobong opisyal, ang mga section o department managers ng malalaking mall ay tinotokahan ng P1 milyon benta sa loob ng dalawang araw ngayong Disyembre; at ang mahihina o “maliliit” na mall ay P20,000 lang, puwede na, panuweldo lang at pambayad ng kuryente.
Ang mga batang nangingitlog sa mabigat na daloy ng trapiko, kasama ang kanilang mga magulang, ay hindi patunay na malakas ang ekonomiya (naghihirap pa rin ang taumbayan kaya’t hindi katanggap-tanggap ng obrero na malakas ang ekonomiya).
Sila’y kumakapit sa pag-asa na uusad ang trapiko para makarating sa kanilang mga ninong at ninang at makapamasko. Kung makapamasko man sila, hindi ibig sabihin na may pera na sila dahil ang regalo ay hindi maibibili ng almusal kinaumagahan.
Bilang patunay na mamamatay ang taumbayan sa tukod na trapiko, inilipad ng helicopter mula sa Villamor Air Base Hospital ang mga binaril sa NAIA Terminal 3 patungo sa AFP Medical Center, saka ibiniyahe sa kalapit na East Avenue Medical Center para sila mailigtas mula sa pamatay na tama ng bala ng .45.
Bilang patunay na namamatay ang taumbayan sa tukod na trapiko, namatay sa kanto ng Kamias Road at EDSA ang doktora na inatake sa sakit sa puso at isusugod sana sa Heart Center, na ibiniyahe pa mula sa Salamanca, Cavite City sakay ng nagwawang-wang na ambulansiya.
Dalangin na huwag atakihin ng sakit sa puso ang mga opisyal at mamatay sa tukod na daloy ng trapiko.