‘My Little Bossings’ kumita na ng 100-M; Kris, Vic magkahiwalay ng upuan sa premiere night


And speaking of “My Little Bossings”, napanood namin ito sa premiere night sa SM Megamall cinema 10 noong Sabado at maraming nagtataka kung bakit nasa orchestra section ang Kapamilya stars headed by Kris Aquino samantalang nasa balcony section naman si Vic Sotto kasama ang mga kapwa Kapuso artists.

Nakita naming nakaupo sa ibaba ng sinehan sina Bea Alonzo, Zanjoe Marudo, Pokwang, Pooh, K Brosas, John Lapus at namataan din namin si Derek Ramsay kasama ang mommy niya sa grupo ni Kris.

Samantalang sina Pauleen Luna, Ms. Susan Roces, Jaclyn Jose, Aiza Seguerra, mga executive ng GMA, APT at Octo Arts Films naman ang mga kasama ni Vic.

Pero marami naman ang natuwa dahil halos kahilera nila si Kris sa orchestra section kaya ‘yung iba ay panay ang kuha ng litrato sa cellphone na hindi naman sinisita ng PSG.

Napansin din naming puwedeng kamayan ng fans si Kris maski kaliwa’t kanan ang close-in bodyguards niya kaya marami ang natuwa sa TV host.

Samantala, grabe ang tawa namin kay Ryzza Mae Dizon sa eksenang kinain niya ang wasabi dahil sa gutom. Hindi siya pinagbawalan ng mga kasama niyang sina Vic, Kris, Aiza at Bimby para siguro makita ang itsura niya na halos maiyak na sa sobrang anghang ng wasabi.

Tama nga ang sabi ng nakausap naming miyembro ng MMFF committee na cute ang loveteam nina Ryzza at Bimby dahil may chemistry sila at kitang-kita na nakaaarte naman ang sosyal na anak ni Kris.

Halata mo talagang mayaman si Bimby dahil sa kilos, pananalita at kung paano kumain, samantalang si Ryzza Mae ay bara-bara lang at sanay sa higaang may surot, sabi nga niya, “Kapag sanay ka sa higaang may surot, hindi ka na mangangati.”

‘Yun nga lang, kailangang habulin ni Ryzza Mae ang taas ni Bimby dahil hanggang baywang lang siya ng bunsong anak ni Kris.
Samantala, nagkakaisa ang lahat sa pagsasabing guwapo talaga ni Bimby at pwedeng-pwedeng maging leading man material paglaki, ‘yun nga lang, dapat matuto na siyang magsalita ng Tagalog.

Isa pang ikinaaliw namin, bawa’t eksena yata ay may exposure ang sangkaterbang sponsors nina Vic, Kris, Ryzza Mae at Bimby kaya pala nasabi noon ng Queen of All Media na nagpapalasamat siya sa lahat ineendorso nilang produkto dahil hindi nagdamot ng tulong sa kanila.

Balitang umabot sa P100 million ang ibinayad ng mga “commercial” kaya maski na hindi mag-number one sa box-office ang “My Little Bossings” ay bawi na ang puhunan ng mga producer.

( Photo credit to Google )

Read more...