NAKABABAHALA na ang mga krimen at sakuna ngayon. Wala na yatang sinasanto ang mga kriminal. Ikaw man ay nasa bahay, eskwela, namamasyal sa mall, bumibiyahe sa kalye o maging paalis o parating sa airport, madadamay ka sa mga sunud-sunod na krimen dito sa Metro Manila.
Kahit nasa harap ka pa ng bahay mo sa exclusive subdivision, mababaril kagaya nang nangyari nitong Huwebes sa asawa ni Atty. Raymond Fortun na binaril at tinamaan sa mukha ng bala. Ganoon din ang nangyari kay advertising executive Kae Devantes noong Sept. 6, na dinukot sa harap ng kanyang bahay sa Moonwalk subd, Las Pinas, pinatay sa Cavite. Andyan pa ang sunud-sunod na insidente ng akyat bahay sa maraming lugar.
Maging sa loob ng campus, uso rin ang kidnapan. Kinidnap ang isang 20-anyos na babaeng estudyante sa loob ng Ateneo campus, noong Nov. 21. Hindi pa ito pinaniwalaan ng pulis at sinabing kidnap-me ang insidente. Pero iginiit ng pamilya na totoo ito. At nagbigay pa ng buong salaysay ang biktima sa social media na nagdetalye sa kanyang karanasan.
Hindi ka rin secure sa mall. Magpapanic ka matapos sumalakay ang martilyo gang sa SM North Edsa noong Dec.15. Buti na lang walang namatay di tulad sa mga naunang nangyaring barilan sa SM Megamall, Robinsons Ortigas, Magnolia, Alabang town center at maging noon sa Rolex store sa Greenbelt, Makati.
At kung ikaw ay commuter o motorista, di ka rin ligtas sa mga kriminal na bus drivers sa kalye, tulad ng pagkamatay ng 18 inosenteng pasahero ng Don Mariano transit na nahulog sa Skyway. Kahit nagba-bike o nagmamaneho ka lang sa ilalim nito sa West Service road, madidisgrasya ka rin.
Pero ang nakakagulat ay itong ambush sa secured arrival parking area ng NAIA3 noong Biyernes. Patay sina Mayor Ocol Talumpa ng Labangan, Zamboanga del Sur, ang kanyang misis at pamangkin, at ang 1 taon na bata, na ang magulang ay magbabakasyon lang sana sa Maynila. Meron ding sugatan na 3-anyos na batang babae na nadamay at tinamaan ng bala.
Nakatakas ang mga suspek na nagsuot pa ng uniporme ng pulis. Ni walang CCTV sa buong arrival area at walang alinmang video sa pangyayari ang NAIA management.
Kauna-unahang “riding in tandem killing” sa loob pa ng airport na ngayo’y nagsilbing knockout punch sa kampanya ni Tourism sec. Mon Jimenez na “It’s more fun in the Philippines”.
Siguradong usap-usapan na ng mga travel sites sa buong mundo ang naturang insidente sa mismong arrival area at ang pinatay ay isa pang mayor.
Bukod sa mga snatcher, tutok holdap at iba pang mga pang-araw araw na nakikitang krimen, nahaharap ngayon ang mga mamamayan sa mas malalaki at mas matitinding kriminalidad dahil nangyayari na ito sa mga lugar na inaakala mo ay mahigpit ang seguridad.
Pinapasok na ng mga halang ang kaluluwa pati ang mga exclusive subdivisions, shopping malls, university campuses at ngayo’y international airport, at hindi na yata natatakot sa mga pulis at korte.
At ang masakit ,hindi sila mahuli ng pulis.
Tila wala nang proteksyon ang taumbayan ngayon, kaya naman, PNP chief Alan Purisima, meron kaming katanungan. Kagaya ng sinabi noon ni Vice president Emmanuel Pelaez kay Police Gen. Tomas Karingal nang siya’y ma-ambush noong July 1982, ang tanong ngayon ay ganito: “What is happening to our country, General Purisima?”. Ang tanong ni Pelaez noon ay parang multong humampas sa natitirang tatlong taong rehimen ni dating President Marcos.
Hindi ako magtataka kung hahampas din ang katanungang ito sa natitirang termino ni PNoy. Sapagkat, pagdating sa kriminalidad, ang sabi ng taumbayan sa Aquino administration: SOBRA NA, TAMA NA !
Para sa komento, reaksyon at tanong, i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.