Willie binigyan ng trabaho sa pag-aaring hotel ang mga dating empleyado sa ‘Wowowillie’


Napakapaboloso naman talaga ng Wil Tower Mall. Kapag dumaan ka du’n, lalo na sa gabi, ay parang wala ka sa Pilipinas dahil sa aliwalas at ganda ng kanyang kapaligiran.

Tama ang sinabi ni Willie Revillame na ang kanyang mall na nasa mismong tagiliran ng ABS-CBN ay ipinlakado niya sa mga pabolosong mall at hotels sa Las Vegas ang disenyo.

Pati ang mismong loob ng mall ay isang magandang tanawin na, para kang namamasyal sa isang first class na hotel-mall sa ibang bansa, maganda talaga ang panlasa ni Willie sa pagdidisenyo ng kanyang mga propyedad.

Ang ibang staff niya sa show ay sa kanya nagtatrabaho, may kani-kanyang toka sila sa mga negosyo ni Willie, hindi natapos ang ikot ng mundo ng kanyang mga tauhan sa pagkawala ng kanyang programa sa TV5.

“Kung puwede ko lang sanang kunin silang lahat, ginawa ko na, pero una-una lang muna, marami pa namang susunod na establishment na bubuksan, du’n ko naman ipupuwesto ang iba sa kanila.

“‘Yung hotel sa Tagaytay, du’n ako madalas dumalaw ngayon dahil tuloy-tuloy ang construction. Kailangan kasing nakikita natin kung ano ang nangyayari sa pagtatayo pa lang ng foundation.

“Siguradong napakaganda nu’n kapag natapos na, kitang-kita ang Laguna de Bay sa ituktok ng hotel, masarap siyang pagbakasyunan dahil sariwa ang hangin at maganda ang view sa lahat ng anggulo,” pagbabalita pa ni Willie.

Ngayong Linggo nang hapon ay meron siyang binuong show para sa mga kababayan natin sa Tacloban City, isang malaking palabas ang magaganap du’n ngayon, sagot ni Willie ang lahat ng gastos.

“Gusto ko lang silang makitang nakangiti sa kabila ng nangyari sa kanila, hindi lang naman kasi financial help ang kailangan nating ibigay sa kanila, kailangan din nating alagaan ang emotion nila.

“Makita ko lang silang nakangiti, maligaya na ako,” pagtatapos ni Willie Revillame na ang hiling ngayong Pasko ay kapayapaan sa buong mundo.

( Photo credit to Google )

Read more...