Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
3:30 p.m. Ginebra
vs Alaska Milk
5:45 p.m. Rain or Shine vs Petron Blaze
PAGSISIKAPAN ng mga nangungunang koponang Petron Blaze at Barangay Ginebra San Miguel na mapahaba pa ang winning streak nila sa duwelo kontra magkahiwalay na kalaban sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Target ng Boosters ang ikawalong sunod na panalo kontra Rain or Shine sa ganap na alas-5:45 ng hapon matapos ang alas-3:30 ng hapon na laro sa pagitan ng Gin Kings at Alaska Milk.
Ang Petron ay sumulong sa apat na sunod na dikdikang laban para mapanatiling malinis ang kartada. Ang huling panalo nito’y naitala kontra Meralco, 77-73, sa Dipolog City noong Sabado.
Unti-unti ay nabubuo na ang lineup ng Boosters dahil nagbalik na ang mga injured players nila. Nakapaglaro na noong nakaraang linggo sina Alex Cabagnot at Chris Ross.
Katunayan, si Cabagnot ay nahirang na Accel-PBA Press Corps Player of the Week. Gayunman, patuloy pa ring sumasandig si Petron coach Gelacio Abanilla kina reigning Most Valuable Player na si Arwind Santos, higanteng si June Mar Fajardo at mga shooters na sina Chris Lutz at Marcio Lassiter.
Hinihintay pa ng Petron na makapaglaro ang mga injured players na sina Yousef Taha at Ronald Tubid. Ang Rain or Shine ay may 4-3 record matapos na makalasap ng back-to-back na kabiguan buhat sa Globalport (90-88) at Talk ‘N Text (90-87).
Ang Barangay Ginebra ay may 6-1 record at mayroong three-game winning streak matapos magwagi kontra Talk ‘N Text (97-95), Barako Bull (85-79) at Air21 (78-69) sa pangunguna nina Japeth Aguilar at Greg Slaughter.