Problema sa BSCP dapat ayusin ng POC

NANANALIG si Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) founder Ceferino “Perry” Mariano na kikilos na ang mga opisyales ng Philippine Olympic Committee (POC) para ayusin na ang problema sa BSCP para magpatuloy ang magandang ipinakikita ng mga cue artists ng bansa.

Ang paniniwala ay ibinulalas matapos ibigay nina Dennis Orcullo at Carlo Biado ang ginto at pilak na medalya sa 27th SEA Games men’s 10-ball event noong Miyerkules ng gabi para makapag-ambag sa hanap na tagumpay ng maliit na pambansang manlalaro na ipinadala sa Myanmar.

Sina Orcullo at Biado ay hindi mga manlalaro ng Billiards Sports Confederation of the Philippines (BSCP), ang national sports association sa bilyar, kundi mga kasapi ng BMPAP at nasa poder ni Mariano gamit ang kanyang Bugsy Promotions.

Si Orcullo ay tumatanggap ng buwanang sahod sa PSC ngunit nangyari ito dahil pumayag si Mariano na isantabi ang di pagkagusto sa mga namamahala sa BSCP.

“Suwerte ang BSCP dahil ang BMPAP ay may mga players na puwedeng manalo,” wika ni Mariano. “Wala naman kasi silang players pero sila ang NSA sa bilyar.”

Si Arturo Ilagan ang nakaupong pangulo ng BSCP na walang ginagawang palaro o torneo para makadiskubre ng mga bata at mahuhusay na billiards players sa bansa.

Habang nasisiyahan si Mariano sa ipinakita ng dalawang bataan, may kaba rin siyang nararamdaman dahil alam niyang hindi habang-buhay ay ang dalawang ito ang mga aasahan para magbigay ng karangalan sa bansa.

Read more...