Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
5:45 p.m. Barako Bull vs Talk ‘N Text
8 p.m. Globalport vs SanMig Coffee
Team Standings: Petron Blaze (7-0); Barangay Ginebra (6-1); Talk ‘N Text (4-2); Rain or Shine (4-3); Globalport (4-3); Alaska Milk (3-5); Meralco (3-5); Barako Bull (2-5); SanMig Coffee (2-5); Air21 (1-7)
ISANG matinding acid test ang haharapin ng humaharurot na Globalport sa pagkikita nila ng SanMig Coffee sa PLDT myDSL PBA Philippne Cup mamayang alas-8 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa unang laro sa ganap na alas-5:45 ng hapon ay pinapaboran ang defending champion Talk ‘N Text kontra sumasadsad na Barako Bull.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng prangkisa, ang Globalport, na ngayon ay hawak ni coach Ritchie Ticzon, ay nakapagposte ng tatlong sunod na panalo kontra Meralco (93-89), Rain or Shine (90-88) at Alaska Milk (94-84) para sa 4-3 record.
Subalit alam ni Ticzon na kailangang doblehin ng kanyang mga bata ang sipag dahil ang SanMig Coffee ay galing sa 90-88 panalo kontra Barako Bull noong Martes. Hangad ng Mixers na makaangat buhat sa 2-5 record nila. Ang isa pa nilang panalo ay laban sa Air21 na naungusan nila sa double overtime, 92-83, noong Disyembre 1.
“We’ve struggled so far and there’s no point in looking for excuses,” ani SanMig Coffee coach Tim Cone. “Our starting unit is now healthy and complete so we have to play better.”
Tinutukoy ni Cone ang pagbabalik buhat sa injuries nina James Yap, Peter June Simon at Joe Devance na ngayon ay makakatuwang nina Mark Pingris at Mark Barroca.
Ang pagragasa ng Globalport ay bunga ng matinding numero at leadership ni Solomon Mercado na nahirang na Accel-PBA Press Corps Player of the Week dalawang linggo na ang nakalilipas.
Nakakatulong ni Mercado sina Jay Washington at rookies Terrence Romeo, RR Garcia at Justin Chua.
Ang Talk ‘N Text ay galing sa 90-87 panalo kontra Rain or Shine noong Martes kung saan nagbida si Ranidel de Ocampo na matagumpay na nakabalik buhat sa injury.
Ang iba pang inaasahan ni coach Norman Black ay sina Kelly Wiliams, Jason Castro, Jimmy Alapag, Larry Fonacier at Danny Seigle.
Ang Barako Bull ay sumasandig kina two-time MVP Willie Miller, Ronjay Buenafe, Mick Pennisi, Dorian Peña at Rico Maierhofer.