Hinaing ng iniwang asawa ng OFW

ISA sa mga patok na gamit ng teknolohiya ngayon ay ang cellphone, at hindi maitatanggi na halos lahat ay meron nito. Masasabing isa nga ito sa pinakamabilis na paraan ng komunikasyon sa panahon ngayon. Ngunit, sa dami nga ng gamit nito, minsan ito ang nagiging dahilan ng di pagkakasunduan ng mag-asawa.

Isang maybahay ang luhaang lumapit sa Bantay OCW upang humingi ng tulong sa ginagawang pagtataksil umano ng kanyang asawa na nasaksihan nya sa mga malalaswang larawan at video sa cellphone ng mister.

Ayon sa kwento ni “Loida” ng Taguig, nagtatrabaho sa Jeddah ang kanyang asawa at kamakailan ay umuwi nga ito ng bansa upang mag-bakasyon.

Halos gumuho ang mundo ni Loida ng makita sa cellphone ng asawa ang mga malalaswang litrato at video nito. Lalong nagalit si Loida ng makita ang mga text message nito sa kabit ng mister hinggil sa pagpapadala ng pera.

Hindi na nga makapagpigil si Loida at si-nubukan tawagan ang numerong nagtetext umano sa kanyang asawa.

Ngunit palaban din ang babaeng sumagot at sinabing matanda na sya kung kaya’t pinalitan na ito ng kanyang mister.

Dahil hindi na makapagtimpi si Loida, agad nitong kinumpronta ang asawa ngunit itinanggi naman agad nito ang akusasyon ng kanyang misis.

Itinago naman nito ang pasaporte ng kanyang mister dahil pabalik na ito ng Saudi sa papalapit na Disyembre 29 ngayon taon.

Maging ang cellphone nito ay kinuha rin upang hindi na magkaroon ng ugnayan pa sa kabit umano nito. Humingi naman ng saklolo ito sa ating tanggapan upang pigilan na makaalis ito.

Ipinagbigay alam naman ng Bantay OCW kay Attorney Elvin Villanueva kung may karapatan nga ba itong pigilan na makaalis ang kanyang asawa. Ayon naman dito, ang tanging magagawa lamang nito ay ang kasuhan na lamang ang kanyang asawa. Kasalukuyan naman hinihintay ng Bantay OCW ang salaysay ni Loida upang matulungan na itong makapagsampa ng kaso sa pagtataksil ng kanyang mister.

Kagaya ni Loida, naghihinapis na lumapit sa Bantay OCW ang isa pang maybahay nang hindi na nito mahagilap ang kanyang mister na nasa Dubai.

Bigla na lamang umano hindi nagparamdam ang kanyang asawa. Ngunit hindi ito ang unang pagkakataon na ito’y hindi na nagparamdam.

Kinalaunan, napagalaman naman nito na mayrooon ng ibang kinakasama ang kanyang mister. Ang mas masakit pa rito, may mga anak na rin ang kanyang asawa sa babaeng ito.

Sinubukan naman kunin ng Bantay OCW ang panig ni mister ngunit kasalukuyang hindi pa ito sumasagot sa aming mga tawag.

Sisikapin naman ng Bantay OCW na masolusyonan ang problema ng naiwang asawa ng OFW.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am.
Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...