Willie: Kung lulong ako sa pagsusugal, wala na akong pakialam sa ibang tao!

WILLIE REVILLAME INQUIRER

Napakaraming pinaligaya ni Willie Revillame nu’ng Miyerkoles nang tanghali, isinabay niya na kasi sa paglulunsad ng kanyang Christmas album ang isang pa-raffle ngayong Kapaskuhan, walang umuwing luhaan siyempre pa.

Sa pang-uusisa ng marami du’n kung gaano katotoong nagpapatalo siya nang kung ilang daang milyon sa casino ay ‘yun ang kanyang sagot, kung nalululong siya sa sugal ay hindi dapat siya nagbibigay ng Christmas party.

“Di sana, ipinangsugal ko na lang ang dapat na ipangregalo ko sa inyo, di ba? Ang alam ko kasi sa nalululong sa sugal, e, wala nang pakialam sa maraming bagay-bagay,” natatawang kuwento ni Willie.

Naging bahagi rin ng kanyang album launch ang nakatakda niyang pagdalaw sa ating mga kababayang sinalanta ng bagyo sa Kabisayaan bukas at sa Linggo.

“Matagal ko nang gustong magpunta sa Tacloban, pero inuna ko na munang ginawa ang pagtulong sa mga kababayan natin du’n through DSWD. Ngayong maayos-ayos na ang sitwasyon nila, konting ngiti naman sa labi ngayong Kapaskuhan ang gusto kong makita sa kanila.

“Nagpunta na ang mga staff ko du’n, tiningnan na nila ang lugar kung saan kami makapagtatayo ng entablado. Ang technical rider namin, e, sa Cebu manggagaling, ang ibang karpintero dito sa Manila magmumula at ang iba naman sa Tacloban at sa Cebu rin.

“Dalawang eroplano ang gagamitin namin, isang pangmanggagawa na magdadala du’n pati ng mga kagamitan at ang isa naman, para sa mga entertainers at dancers,” kuwento ng aktor-TV host.

Ang lahat ng ito na solong pagkakagastusan ni Willie ay ginagawa niya sa isang panahong wala siyang show, wala siyang programang pinagkakakitaan na panggagalingan ng kanyang mga gagastusin, mula sa sariling bulsa niya ang bawat sentimo at walang sponsor.

Kundi mabuting puso ang maitatawag namin sa ganu’n ay hindi na namin alam kung ano.

Read more...