TV5 namigay ng pang-Noche Buena, generator, yero at kahoy sa Leyte

Personal naming nasaksihan ang kalunos-lunos na kalagayan ng ating mga kababayan sa Leyte na dinaluyong ng super-typhoon. Grabe ang pananalanta sa kanila ni Yolanda, parang wala nang bukas pa ang hanging ibinigay sa kanila, ang dahilan kung bakit halos wala ka nang makikitang nakatayong bahay sa Leyte.

Sa Ormoc pa lang, pagdaong mo du’n, ay makikita mo na agad ang matinding bigwas ni Yolanda. Mga establisimyentong walang bubong, mga bahay na konkreto, pero poste na lang ang itinira ng bagyo.

Pero nang marating na namin ang Palo, Leyte ay saka lang namin nasabi na patikim pa lang pala ang mga nakita namin sa Ormoc.

Sa Candahug, Palo, Leyte kami mas nagtagal, du’n namigay ng pang-Noche Buena ang Alagang Kapatid, ang nasabing lugar ay nasa tabing-tabi mismo ng dagat.

Ayon sa mga tagaroon na nakaligtas sa matinding hangin at alon ni Yolanda ay kasingtaas daw ng dalawang puno ng niyog na pinagpatong ang tubig na rumagasa sa kanilang barangay.

Mahigit na isang buwan na silang walang ilaw, nakatira lamang sila sa mga tent na sobrang init sa araw at matindi naman ang ginaw sa gabi, isang malaking generator ang iniregalo sa kanila ni Mr. Manny V. Pangilinan sa pamamagitan ng Alagang Kapatid na kayang pagliwanagin ang buong barangay.

Marespeto ang ipinamahaging pagkain ng Alagang Kapatid sa mga tagaroon, nagpadala rin ng mga kahoy, yero at iba pang mga kagamitan sa pagtatayo ng bahay ang TV5, napakasarap pagmasdan ng mga ngiti sa labi ng mga taga-Candahug nang mga panahong ‘yun.

Wala tayong karapatang magreklamo kung hindi natin gusto ang pagkain sa hapag. Huwag na tayong nagmamarakulyo kapag hindi natin nabibili ang mga materyal na bagay na makapagpapasaya sa atin.

Lagi nating iisipin na sa Kabisayaan ay may mga kapatid tayong nagugutom-nagdarahop, libo-libong tagaroon ang nakaabang sa biyaya ng langit, napakasuwerte natin.

( Photo credit to Google )

Read more...