Mga Laro Ngayon
(Mall Of Asia Arena)
5:45 p.m. Air21 vs. Barangay Ginebra
8 p.m. Alaska Milk vs. Meralco
PATITIBAYIN ng Barangay Ginebra San Miguel ang kapit sa ikalawang puwesto sa pagharap nito ngayon sa Air21 sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa ikalawang laro sa ganap na alas-8 ng gabi ay magkikita ang Alaska Milk at Meralco Bolts.Ang Gin Kings ay nakabawi na sa 100-87 pagkatalo sa Meralco noong Disyembre 3 sa pamamagitan ng pagposte ng back-to-back na panalo kontra Talk ‘N Text (97-85) at Barako Bull (85-79).
Sa dalawang panalong ito ay malaki ang naitulong para sa Gin Kings ng twin towers nilang sina Japeth Aguilar at rookie Gregory Slaughter.
Kontra Tropang Texters, si Aguilar ang nagbuslo ng game-winning three-point shot sa huling segundo. Laban sa Energy, si Slaughter ay nagtapos nang may 15 puntos at 15 rebounds.
Ang iba pang nag-ambag ng malaki ay sina Mac Baracael, LA Tenorio at Chris Ellis. Ang mga panalo’y naitala kahit pa hindi sumingasing sa opensa sina Mark Caguioa at Jayjay Helterbrand na kapwa galing sa injury.
Matapos naman ang 92-77 panalo kontra Barako Bull ay muling natalo ang Air21 sa Petron (90-88) at bumagsak sa 1-6 baraha.
Ang Express ay pinamumunuan nina Paul Asi Taulava, Mark Cardona, Joseph Yeo, Nino Canaleta at Vic Manuel.
Ang Meralco ay galing sa 77-73 pagkatalo sa Petron Blaze sa kanilang out-of-town game sa Dipolog City nitong Sabado.
Patuloy na nami-miss ng Bolts sina Cliff Hodge at Kerby Raymundo subalit nakakakuha naman ng magandang numero buhat kina John Wilson, Jared Dillinger at Reynell Hugnatan.