DAMANG-dama na ang Pasko, ang Paskong tuyo sa Pilipinas!
Dahil sa dami ng pinagdaanan ng bansa ngayong taon, marami ang hindi nakakaramdam sa Pasko.
Nang lumindol ng magnitude 7.2 sa Bohol akala ng marami ito na ang pinakamalalang karanasan ng bansa ngayong 2013.
Pero dumating ang supertyphoon Yolanda. Hindi akalain ng marami na aabot sa mahigit 6,000 ang patay. Malamang ay mas malaki pa ang totoong numero, marami pa kasi ang hindi nagre-report at nariyan din ang mga taong hindi na ini-report ang pagkamatay ng kanilang kapamilya.
Ano nga namang magagawa pa kung ire-report nila ang pagkamatay ng kaanak? Hindi naman mababawasan ang kanilang pighati.
At mukhang kahit na ang panahon ay nakiki-ayon sa nararamdaman ng marami.
Parang hindi Pasko dahil mainit, hindi katulad dati na pagpasok ng ‘Ber’ months ay malamig na ang simoy ng hangin.
Nawala na yung pakiramdam ng Pasko kahit na sa kapaligiran. Konti lang ang madaraanang kumukutitap na ilaw sa mga lansangan (o dahil kasi malaki masyado ang singil sa kuryente).
Kahit na sa mga bahay ay konti lang ang palamuti o yung iba, wala talagang inilagay.
Sa hirap ng buhay at sa hirap kumita ng pera, bakit mo nga naman uubusin ang kakarampot na kita sa kababayad ng kuryente na nagmahal dahil sa umano’y sabwatan ng mga planta ng kuryente.
Hindi naman nadagdagan ang gastos nila sa paggawa ng kuryente pero nadagdagan ng malaki ang kanilang kita.
Baka sila lang ang nakaramdam ng Pasko.
At bago pa sumapit ang Pasko, nadagdagan pa ang kalungkutan nang mahulog ang Don Mariano bus sa Skyway at bumagsak sa isang delivery van.
Sana turuan na rin ng operator ng Don Mariano ang kanilang mga driver na magpalipad ng bus.
O para magkaroon sila ng pakinabang, isakay nila yung mga miyembro ng Martilyo Gang na tumira sa jewelry store sa SM North Edsa bago sila lumipad.
Hindi lang naman ang mga ordinaryong Pinoy ang malungkot.
Kahit na ang mga kongresista ay malungkot o pinalungkot ng desisyon ng Korte Suprema na nagtatanggal sa kanilang pork barrel fund.
Kung noong panahon ng mga nakaraang administrasyon ay nakapila o nag-uumpukan ang mga kongresista sa tanggapan sa itaas, ngayon ay walang ganun.
Dati kapag huling linggo ng sesyon, kagaya ngayon, ay hindi na mapakali ang mga kongresista sa pag-amoy sa kanilang mga kasama kung may dumating nang specil allotment release order, na siyang senyales na hindi lang plano ang kanilang mga proyekto sa distrito.
Ngayon wala na silang kailangang amuyin, dahil wala nang darating.
Hindi na excited ang mga kongresista kapag malapit nang magsara ang sesyon dahil wala naman silang aginaldong matatanggap.
At dahil wala namang pagkukuhanan ng pondo, malamang magtago na lang din ang mga kongresista sa halip na magikot-ikot sa kanilang distrito ngayong Kapaskuhan.
Pag-umikot sila, tiyak bubunot sila sa dami ng hihingi ng aginaldo.
Ano nga namang ibibigay nila, wala ng pork barrel.